Duterte, pinayagan ang pagtatayo ng kasino sa Boracay bilang pabor sa China
Sinungaling na, gahaman pa.
Binawi ni Rodrigo Duterte noong Agosto 27 ang pagbabawal ng pagtatayo ng dambuhalang kasino sa Boracay bilang pabor sa mga negosyanteng Chinese. Tinapos niya ang 3-taong pagbabawal na siya rin ang nagpataw noong 2018 dahil pinakikinggan diumano niya ang boses ng mamamayan. Sabi pa niya noon, “boses ng Diyos” ang boses ng mga residente, at kung ayaw ng mamamayan ng isla ng kasino, hindi magkakaroon ng kasino sa lugar. Kasabay ng pagbuyangyang sa isla sa mga dayuhan at lokal na burukrata, itinutulak ng anak niya na kopoin ang pakinabang dito sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong ahensyang mangangasiwa sa isla.
Palusot ni Duterte, kailangan diumano ng gubyerno ang pera mula sa kasino. Ito ay sa gitna ng nabubunyag na bilyun-bilyong piso na nasayang at hindi ginastos sa pangangailangan sa pandemya. Sa kabila rin ito ng trilyun-trilyon nang inutang niya sa ngalan ng pagsugpo sa Covid-19.
Ilang araw matapos ang pagbawi, tinawagan siya ng presidente ng China na si Xi Jinping para magbigay katiyakan na patuloy na susuportahan ng China ang programa sa imprastruktura ng rehimen. Dagdag pangako diumano ni Xi, tutulong ang China para magkaroon ng kakayahan ang Pilipinas na magmanupaktura ng sariling bakuna. Taliwas ang pangakong ito sa milyun-milyon nang dosis na ibinenta ng China sa Pilipinas sa inililihim na halaga.
Noon pang 2018 iginawad ng rehimen ang permismo para itayo ang $500 milyon-halagang kasino. Itatayo ito sa 23-ektaryang lupa sa Barangay Manoc-manoc na “nabili” ng Galaxy Entertainment, pangunahing opereytor ng mga kasino na nakabase sa Macau (bahagi ng China). Kasosyo ng kumpanyang Chinese ang Leisure & Resorts World Corporation, isang lokal kumpanyang nagpapatakbo ng mga larong bingo sa bansa. Ang Galaxy Entertainment ay pagmamay-ari ni Lui Che Woo, pang-apat na pinakamayamang indibidwal ng Hong Kong.
Kasabay ng paggawad ng permiso sa Galaxy, ipinakansela ni Duterte ang lisensya ng lahat ng mga kasino at iba pang maliliit na opereytor sa Boracay kasabay ng “paglilinis” sa isla noong 2018. Idineklara niyang “pag-aari ng estado” ang kalakhan ng mga lupa dito at ginamit ang huwad na reporma sa lupa para palayasin ang marami nang naninirahan dito. Ginamit niya ang “Boracay clean-up” para idemolis ang maraming kabahayan at bigyan-daan ang paglalatag ng malalaking daan bilang paghahanda sa pagpasok ng mamumuhunang Chinese at kanilang mga lokal na kasosyong burukrata. (Pangunahin dito ang mga Villar na may proyektong pabahay sa isla). Isa sa pinakaapektado ang Barangay Manoc-manoc, ang target na tayuan ng dambuhalang kasino.
Tinawag noon ng mga grupong maka-kalikasan at mga residente ng isla ang “clean-up” at pagpapasara sa maraming establisimyento sa isla bilang isang napakalaking kalokohan at hakbang lamang para bigyan-daan ang mga pinaborang negosyong Chinese. Anila, palalalain ng kasino ang overcrowding at pagkasira ng isla dahil magdadala ito ng mga kliyente na sobra-sobra sa kapasidad ng isla.
Lumalabas na “pinalamig” lamang ni Duterte ang noo’y pagtutol sa pagtatayo ng kasinong Chinese sa Boracay. Matapos ang mistulang pagpapaalala sa kanya ni Xi Jinping, muli niya ngayong pinaaarangkada ang proyekto.
Para tiyaking nasa pusisyon siya at kanyang pamilya na makinabang dito, itinutulak ngayon ng kanyang anak na si Paulo Duterte sa Kongreso ang pagtatayo ng Boracay Island Development Authority (kilala sa isla bilang panukalang KONTRA-BIDA). Sa illaim nito, ipaiilalim sa BIDA ang mga programa ng rehabilitasyon at reklamasyon, paggawad ng mga kontrata kaugnay sa isla at kikitain mula rito. Isesentro dito ang pamamahala at pakinabang ng isla sa pambansang gubyerno at sinumang alipures na itatalaga nito sa pwesto. Aagawin nito ang awtoridad ng lokal na pamahalaan ng Aklan sa isla.
Bago magpandemya, halos 2 milyong lokal at dayuhang turista ang dumadayo sa Boracay kada taon. Noong 2019, nakalikom ang turismo dito ng P62 bilyon. Isa ito sa pinakakilalang isla na may maputing baybayin sa buong mundo.