#Balitaan: Istilong-Tokhang laban sa mga akbista sa Cordillera, labag sa karapatang-tao
Mariing kinundena ng mga aktibista, mamamahayag at mga personalidad sa Cordillera ang rekomendasyon ng Cordillera Regional Law Enforcement Coordinating Committee na gawing mala-Tokhang ang estilo ng “paghahabol” sa mga inaakusahan nitong komunista at mga taga-suporta ng armadong kilusan. Sa Kongreso, nagtawag na ng pagdinig ang blokeng Makabayan sa Kongreso para imbestigahan ito.
Sa ilalim ng iskemang ito, isa-isang “bibisitahin” ng mga pulis ang mga kilalang lider ng mga “maka-Kaliwang grupo” para “kumbinsihin” silang “itakwil ang komunistang ideolohiya.”
Isinasagawa na ito sa maraming bahagi ng bansa. Isa na rito ang ibinunyag ng unyon ng mga manggagawa sa Nexperia sa Laguna na pagbabahay-bahay ng mga pulis sa mga lider-unyon para sila “iinterogeyt” at siraan sa kanila ang Kilusang Mayo Uno at iba pang pambansa-demokratikong organisasyon.
Malinaw na ang layunin ng pakanang ito ay ang sindakin ang mga grupo at indibidwal na matatag na lumalaban sa tiraniya ng nakaupong rehimen at gawin silang pasibo sa harap ng papatinding pang-aatake nito sa mga karapatan at kagalingan ng mamamayan. Labag sa maraming batayang karapatan at iligal ang naturang pakana.
Sa kabila nito, inaprubahan ni Gen. Eleazar noong Agosto 25. Kaliwa’t kanan na ang pagkundena sa naturang estilo na ginagamit sa “gera kontra-droga” at nagreulta na sa sa libu-libong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Ang taktika ay nagresulta na rin sa pagpaslang sa maraming aktibista, magsasaka at katutubo sa Southern Tagalog, Negros, Cenrtal Luzon at iba pang bahagi ng bansa.