#Balitaan: Kalagayan ng mamamayang Haiti, lalong humirap pagkatapos ng malakas na lindol
Isang malakas na lindol ang tumama sa isla ng Haiti, ang pinakamahirap na bansa sa rehiyon ng Caribbean sa Latin America, noong Agosto 14. Maliban sa UN Office for Coordination of Humanitarian Affairs, wala pang tulong na pagkain at gamot ang dumarating mula sa ibang bansa ilang araw pagkatapos hambalusin ng 7.2 lindol ang islang ito.
Sa desperasyon, may mga ulat na inaatake ng mga armadong gang ang mga rescue workers at inaagaw ang dalang mga tulong na pagkain at gamot. Nakipagnegosasyon ang UN Office for Coordination of Humanitarian Affairs at pagkatapos nito ay pinayagan ng mga kriminal na gang na hindi galawin ang mga tulong na pagkain at medikal suplay.
Umaabot sa 2,189 ang namatay at mahigit 12,200 ang nasugatan sa lindol. Ilang daan pa ang nawawala na pinangangambahang natabunan sa mga pagguho ng mga gusali. Umaabot sa 53,000 kabahayan ang lubusang nawasak habang mahigit 77,000 pa ang nasira. Sa kabila ng pagragasa ng Bagyong Grace pagkatapos ng lindol ay nananatiling sa labas pa rin tumutulog ang mga mamamayan sa takot ng mga aftershock.
Pinangangambahan ng Haitian Health Foundation na magkaroon ng epidemya ng cholera dahil sa polusyon sa kalagayan ng sanitasyon.
Nitong huli, nagpadala na rin ang US at British Navy ng kanilang mga barko para tumulong sa search and rescue operations.
Tumama ang lindol sa Haiti habang hindi pa ito nakabangon sa krisis sa pulitika kasunod ng asasinasyon ng kanilang presidente na si Jovenel Moise. May hinalang na Central Intelligence Agency ang nasa likod ng nasabing asasinasyon.
Sa nakaraan, tinamaan ang Haiti ng serye ng mga kalamidad kabilang ang Hurrican Matthews noong 2016. Pero ang pinakamalubha ay ang lindol noong 2010 na pumatay ng mahigit 200,000 katao at nagdulot ng malaking pagkasira sa imprastruktura at ekonomya ng bansa. #