#Balitaan: Mapaminsalang kumpanya ng mina sa Palawan, muling binigyan ng permit sa utos ni Duterte
Binaligtad ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang pagbasura nito sa aplikasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC) para magmina sa Brooke’s Point sa Palawan. Noong Agosto 19, binigyan ng ahensya ang INC ng permit para magmina ng nikel sa lugar. Malinaw na pagsunod ito sa utos ni Rodrigo Duterte na payagan nang magmina ang mga multinasyunal na korporasyon sa mga kagubatan nang bansa.
Binigyan-katwiran ang pagbigay ng permiso sa tabing ng pagbangon ng ekonomya. Sa ngalan ng “pag-unlad,” libu-libong puno ang puputulin at ekta-ektaryang kagubatan ang sisirain.
Kasabay nito, inaprubahan rin ng PCSD ang ekspanyon ng tatlong kumpanya ng mina sa Timog Palawan, kabilang ang Berong Nickel Corp., Rio Tuba Nickel at Citinickel Mines and Development Corporation.
Dali-dali na ring nag-isyu ang Department of Environmental Resources ng environmental compliance certificate at ang Mines and Geosciences Bureau ng mineral production sharing agreement para sa INC.
Mariing kinundena ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan ang pagtatraydor ng mga lokal na upisyal ng kalikasan. Dismayado rin sa naging desisyon ang meyor ng Brooke’s Point na si Mary Jean Feliciano. Kasalukuyang suspendido si Feliciano matapos pangunahan ang paggiba sa mga istruktura ng INC dahil sa pagkakapaso ng kontrata nito at sa kinakaharap nitong kaso ng iligal na pagputol ng mga kahoy.
Ang INC ay subsidyaryo ng Global Ferronickel Holdings, ikalawa ito sa pinakamalaking kumpanya na nagpprodyus ng nikel sa bansa. Aabot sa 2,800 ektarya ang minahan nito sa Palawan na tatawid sa apat na barangay ng Brooke’s Point. Nitong 2020 tumaas ng 43% o P735 milyon ang kita nito sa kabila ng pandemya.