#BALITAAN: Mga magsasaka sa manukan at babuyan, lugi sa importasyon at ECQ
Balita kahapon ang pagbabawas ng produksyon ng itlog ang mga magsasaka sa manukan nang hanggang 20% sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region. Kasabay nito, nagbawas din ng hanggang 30% ang produksyon ng baboy dulot ng pagbaha ng imported na karne sa pamilihan.
Batid ng mga prodyuser ng itlog ang pagbaba ng demand para rito hindi lamang dahil sa mga restriksyon, kundi pati ng pagbagsak ng kita at sahod ng marami sa panahon ng ECQ.
Sa panig ng mga magbababoy, lalong pinatingkad ng ECQ ang disbentahe ng mga lokal ng prodyuser. Bukod sa pinsalang dulot ng African Swine Flu (ASF), kinakaharap nila ang paglipana ng imported na karneng baboy sa mga merkado. Sa aktwal, maraming malalaking babuyan ang nagsara at lumipat sa pag-import dahil mas madali at mas malaki ang kita dito, ayon sa Samahang Industriya sa Agrikultura,. Ito ay sa harap ng pagpapabaya ng Department of Agriculture sa maliliit na magbababoy na nakaasa pag-aalaga ng pailan-ilang baboy para sa kanilang kabuhayan.
Isa sa pinakanakinabang sa halos walang limitasyong importasyon ang San Miguel Corporation na nagpapatakbo ng Monterey, ang pinakamalaking babuyan sa bansa. Nooong Pebrero, inanunsyo ng maneydsment ng kumpanya ang balak nitong “ipasa” ang lahat ng natitirang baboy (livestock inventory) at mga pasilidad nito sa “lokal na mga magbababoy” para tulungan diumano ang maliliit na magbababoy. Inianunsyo ang naturang plano ilang linggo bago pirmahan ni Rodrigo Duterte ang kautusang ehekutibo na nagtaas sa bloyum ng maaaring angkatin (minimum access volume) sa karneng baboy para sa buong 2021. Ang San Miguel Corporation at mga subsidyaryo nito tulad ng Purefoods-Hormel ang isa, kundiman ang pinakamalaking importer ng karne sa bansa.
Hindi kataka-taka na bumagsak ang bahagi ng agrikultura sa gross domestic production sa nakaraang tatlong kwarto — -3.8% sa huling kwarto ng 2020, -3.4% sa unang kwarto ng 2021 at -1.5% sa pangalawang kwarto sa gitna ng ipinagmalaki ng rehimeng Duterte na mahigit 11% pagtaas ng pangkalahatang GDP. Malaking bahagi ng pagbagsak ng agrikultura ang subsektor ng livestock, partikular ng mga babuyan.