#Balitaan: NDF-EV kinundena ang istraping ng AFP
Mariing kinundena ng National Democratic Front sa Eastern Visayas ang halos 13-oras na airstrike at operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines sa Eastern Visayas noong Agosto 16.
Sa tabing ng kontra-insurhensyang operasyon at panghahalihaw sa pinaghihinalaang kampo ng Bagong Hukbong Bayan, walang habas na nagpaputok at nag-istraping ang mga yunit ng 8th Infantry Division ng AFP sa Barangay Dolores.
Sa tala ng NDF-EV, pangalawang beses na itong nambomba sa Eastern Samar. Noong Abril, limang oras na kara-karakang nagpaputok ang mga berdugo malapit sa isang dam kung saan may mga sakahan sa Sityo Canrumbay, Barangay Jicontol. Sa parehong buwan, anim na beses namang naghulog ng bomba sa mga sakahan at winasak ang isang bahay sa Barangay Boco, Can-avid upang palabasin na nagkaroon ng pekeng engkwentro sa pagitan nila at ng BHB.
Sa isinagawang operasyon ng AFP sa Dolores, inamin na rin ng AFP na kinailangan pa nilang gamitin lahat ng mga kagamitan nito upang makapagdulot ng “malalaking” bigwas sa BHB.
Sa isang bidyo na isinapubliko ng isang netizen at inilagay sa social media account ni Marco Valbuena, makikita ang isang elemento ng Philippine Air Force na nakasakay sa isang helikopter na nagpapaputok sa kagubatan at mga taniman ng niyog nang walang malinaw na target.
Ayon sa NDF, sa gitna ng lumalalang krisis pangkalusugan, malawak na kagutuman at kahirapan, patuloy lamang ang AFP sa pagsasayang at walang habang na pambobomba nito sa mga komunidad ng mga sibilyan.
Tuluy-tuloy na pinopondohan ni Duterte ang todo-gera laban sa rebolusyonaryong kilusan. Bukod sa P19 bilyong budget na pondo nito para sa kontrainsurhensya, nabunyag din sa ulat ng Commission on Audit na ilang milyong pondo ng mga sibilyang ahensya gaya ng P160 milyon ng TESDA at P5 milyon sa DSWD ang nailipat upang pondohan ang NTF-ELCAC.