#BALITAAN: Panggigipit at Covid-19, humahambalos sa mga manggagawa ng Nexperia
Panggigipit at impeksyon na Covid-19 ang kinakaharap ng unyon ng mga manggagawa sa Nexperia sa gitna ng rumaragasang pandemya.
Iniulat noong nakaraang araw ng unyon ng mga manggagawa sa Nexperia ang panggigipit ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict sa kanila nitong taon. Ayon sa mga lider-unyon, apat na beses nang “inimbitahan” at binahay-bahay ng mga elemento ng NTF-ELCAC ang mga manggagawa ng kumpanya mula pa Marso.
Pinakahuli sa mga ito ang naganap noong Agosto 22, kung saan sabay-sabay na pinuntahan ng mga ahente ng estado ang mga lider-unyon ng Nexperia Philippines Inc Workers Union-NAFLU-KMU sa kanilang mga tahanan sa Barangay Banay-banay at Barangay Pulo sa Cabuyao, Laguna.
Paglalahad ng mga unyonista, pilit silang pinapupunta sa barangay hall upang magbuo ng kasunduan sa pagitan ng mga elemento ng AFP at NTF-ELCAC at upang mabigyan ng oryentasyon ng isa umanong “surrenderi”. Siniraan nila sa mga manggagawa ang Kilusang Mayo Uno at grupong Makabayan.
Gayunpaman, nanindigan ang mga unyonista at sinabing hindi sila dadalo sa oryentasyon. Pahayag nila, “hindi namin alam kung alin ang mas nakakatakot, ang Covid-19 o ang mga “bisita.” Nasa gitna sila ng pag-aasikaso para makapagpaabot ng tulong sa mga nasawing kasapi ng unyon dulot ng Covid-19 nang dumating ang mga pasistang ahente.
Nanawagan ang unyon sa NTF-ELCAC na tigilan na ang pananakot, “Ang kailangan namin ay ayuda, bakuna at dagdag sahod.”
Sa kasalukuyan, may dalawa nang manggagawa ng Nexperia ang nasawi dahil sa bayrus. Marami sa kanila ang hindi pa nababakunahan. Daing nila, sa kabila nang ambag ng mga manggagawa sa ekonomya, nananatili silang huli sa prayoridad kahit maging sa pagbabakuna.
Kinundena rin ng mga manggagawa ang kakulangan ng mga pasilidad at kagamitan para tugunan ang lumalalang krisis pangkalusugan. Ang dalawang unyonista na nasawi ay magagawa pa sanang maisalba subalit inabutan na ng kamatayan dulot ng pagpapalipat-lipat sa kanila ng ospital.
“Mahirap tanggaping namamatay ang ating mga kasamahan dahil sa kapabayaan at hindi maayos na pagtugon ng gubyerno sa pandemya,” pahayag ng unyon.
#AKLAS
#DuterteWakasanNa