Bangkay ni Ka Oris, ipina-cremate ng AFP para pagtakpan ang krimen nito
Mariing binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang unilateral na pag-cremate (pagsunog para gawing abo) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa labi ni Jorge Madlos (Ka Oris) ngayong araw sa ngalan ng “pagsunod sa mga protokol sa Covid-19.” Ayon kay Marco L. Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP, tinatangkang pagtakpan ng AFP ang krimen ng pagpatay kay Ka Oris at Ka Pika noong Oktubre 29 sa pamamagitan ng pagsunog sa lahat ng ebidensya. Sa pamamagitan ng pag-cremate sa kanyang mga labi, sinarhan ng AFP ang lahat ng posibilidad para ipa-awtoposiya ito sa independyenteng mga doktor. Ito ay taliwas din sa kahilingan ng kanyang mga kaanak at ng rebolusyonaryong kilusan na ibalik ang kanyang mga labi sa Siargao Island sa Surigao del Norte para masilayan sa huling pagkakataon ng kanyang pamilya.
Pinuna ni Valbuena ang pag-cremate sa labi ni Ka Oris na kinailangan pang itong ibyahe tungong Cagayan de Oro City mula Impasug-ong, Bukidnon. Aniya, kung tunay ngang gusto ng AFP na sundin ang protokol sa kalusugan, “maaari (at dapat) sanang inilibing na lang ang labi sa Impasug-ong, lalupa’t wala namang pasilidad sa cremation sa Bukidnon. Kinailangan pa nilang ibyahe ang katawan sa Cagayan de Oro (na ilang oras ang layo) para magkaroon ng akses sa mga pasilidad sa cremation na lalong nagpapatibay sa aming pagtingin na pinagtatakpan ng AFP ang krimen nito.”
Inilinaw din ni Valbuena na hindi namatay sa engkwentro si Ka Oris kasama ang kanyang medik na si Ka Pika. Inambus sila ng 403rd Infantry Bridgae noong Oktubre 29, 2021, dakong alas-8 ng gabi habang bumabyahe mula Poblacion tungong national highway ng Impasug-ong, Bukidnon. Palabas para sa kanyang regular na tsek-ap sa kalusugan at pagpapagamot si Ka Oris. Di armado kapwa si Ka Oris at Ka Pika, at wala sila sa katayuang lumaban.
Apat na oras matapos ang pagpaslang, naghulog ng anim na bomba ang militar at mga rocket, at inistraping ang magubat na bahagi ng Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing, sa parehong bayan. Kinabukasan, Oktubre 30, “ginalugad” umano ng mga yunit militar ang lugar. Ipinalabas ng AFP “nakaengkwentro” bandang alas-11 ng umaga ng mga yunit nito ang yunit ng BHB na kinabibilangan ni Ka Oris. Dito umano nila nakuha
Ipinaliwanag ni Valbuena na napakahaba ng sampung oras na puwang na ito, at kung mayroon mang kampo ng BHB roon ay tiyak na mabilis na makapagmamaniobra ang yunit palayo. Mas kapani-paniwala pa sana, aniya, kung ipinalabas ng militar na naganap ang engkwentro sa ibang kalapit na lugar.
Nang tanungin ng mga mamamahayag, hindi makapaglabas ng anumang litrato ng pinangyarihan ng engkwentro ang AFP na kadalasan nilang ginagawa matapos kubkubin ang isang kampo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Lahat ng mga larawan ng labi ni Ka Oris ay malapitan kinuha, nang hindi ipinakikita kung saan ito kinuha. Ang tanging ebidensya lamang na paulit-ulit na ginagamit ng militar ay ang pambobomba at pag-istraping nito sa lugar.
Ayon pa kay Valbuena, hindi karaniwang nag-aahit ng balbas at bigote si Ka Oris maliban na lang kung siya ay babyahe palabas ng sonang gerilya bilang paraan ng pagkukubli upang maiwasang matukoy ng kaaway. Kung lalabas man, hindi siya kailanman bumabyahe nang armado o may armadong gwardya.
Pinasinungalingan din ni Valbeuna ang pahayag ni Lt. Gen. Greg Almerol ng Eastern Mindanao Command na madalas na pumupunta si Ka Oris sa Cagayan de Oro City para magpa-dialysis dahil bumigay ang kanyang bato. Ayon kay Valbuena, “Kung nangangailangan siya ng regular na dialysis, hindi siya magtatagal sa sonang gerilya.” Paglilinaw ni Valbuena, “nanatili siyang malusog at nakasasabay sa mahahabang lakaran kahit nitong nagdaang mga buwan ng mga maniobrang gerilya sa harap ng matinding operasyon ng militar.” Totoong may pinsala ang pantog niya na resulta ng di ginamot na impeksyon nang siya ang nakulong mula 1987 at 1982, subalit “hindi ito nakamamatay o nakapanghihina.”
Ipinalalabas ni Maj. Gen. Romeo Brawner Jr. na mayroon umanong “network” ng mga tagasuporta na mga doktor ang nars si Ka Oris sa Cagayan de Oro at Bukidnon na maaaring tumingin sa kanya. Pinangangambahan na posibleng gamitin ang kasinungalingang ito para sa malawakang pangre-red-tag sa mga manggagawang pangkalusugan sa naturang mga lugar. Sa nakalipas na mga taon, walang puknat ang kampanyang red-tagging ng militar laban sa mga aktibista, ordinaryong mamamayan, at maging mga propesyunal sa Cagayan de Oro. Kabilang sa malisyosong ni-red-tag ang mga organisador ng community pantry, mga taong-simbahan, abugado, mamamahayag at mga estudyante.