Bayad sa mga mamamatay-tao
Mga pagpaslang ng AFP sa mga walang katayuang lumaban at mga sibilyan, binigyan ng P11 milyong premyo ni Duterte
Labing-isang milyong piso ang ibinigay ni Rodrigo Duterte noong Hunyo 15 sa mga kumander at yunit ng Eastern Mindanao Command (P9 milyon) at Western Mindanao Command (P2 milyon) kahapon bilang diumano’y premyo sa kunwa’y pagnyutralisa ng mga ito sa ilang “matataas na lider” ng Bagong Hukbong Bayan mula 2020.
Iniabot ni Duterte ang pondo kay Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Cirilitio Sobejana (dating kumander ng Westmincom) at kasalukuyang kumander ng Eastmincom na si Lt. Gen. Greg Almerol. Ang pabuya ay dagdag sa napakatataas nang sweldo at samutsaring pondo iginagawad ni Duterte sa matataas na upisyal ng militar para suhulan sila at panatilihin ang kanilang katapatan sa kanya.
Kabilang sa sinasabing “nanyutralisa” ng mga yunit ng Eastmincom at Westmincom sina Marcelino Navarro, Manuel Magante Gilo, Romeo Lendio Libron, Rogelio Masaya Udal, Zaldy Gulmatico Pulido at Danny Huit na pawang ginawaran ng AFP ng matataas na pusisyon sa BHB. Hindi lahat sa kanila ay napatay sa lehitimong mga labanan.
Isa rito si Romeo Lendio Libron, 60 taong gulang, ang sinasabing kumander ng Regional Operations Command ng BHB-Southern Mindanao Region, na pinatay kasama ng apat pang indibidwal, ng mga pwersa ng 5th Special Forces Battalion sa Sityo Kibang, Barangay Ned, Lake Sebu, noong Disyembre 2, alas-4:30 ng umaga. Kasama sa mga biktima ang sibilyang asawa ni Libron na si Merly, 53-taong gulang, ang kasama niyang 69-taong gulang na si Sarge at dalawa pang matatanda na bumisita lamang sa maliit na payag na tinitigilan ng mag-asawa sa araw na iyun. Pinalabas ng militar na “nanlaban” si Libron at ang kanyang grupo (na puro matatanda) para pagtakpan ang ala-Tokhang na masaker sa mga sibilyan at mga mandirigmang walang armas at wala sa katayuang lumaban (hor de combat). Tulad sa ibang mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, tinamnan ng mga baril at eksplosibo ang kubo ng mga Libron.
Isa pa si Manuel Magante Gilo, sinasabing upisyal sa pinansya ng BHB-SMR na diumano’y “nanlaban” din habang hinahainan ng mandamyento de aresto sa inuupahan niyang kwarto sa Purok 6, Rosales Street, Barangay 15, San Ignacio, Butuan City noong Pebrero 6, 2020. Para magkaroon ng “ebidensya,” tinamnan ng pistola ang kanyang bangkay. Ayon mismo sa report ng militar, nagtatrabaho si Gilo bilang “lending collector” sa lugar.
Ilan pa sa mga mandirigmang wala nang katayuang lumaban na pinatay ng militar noong nakaraang taon sa mga ala-Tokhang na mga operasyon ay sina Dennis Rodenas ng BHB-SMR na pinatay sa kanyang bahay sa Sibugay, Cebu City noong Oktubre 11, 2020 at Mario Caraig ng BHB-Southern Tagalog na pinatay sa loob ng bahay ng pamilyang Asedillo sa San Antonio, Kalayaan sa Laguna noong Agosto 7, 2020.