BHB-NCMR: AFP at mga pulitiko ang masaya sa pondo NTF-Elcac

,

Inilantad ng Bagong Hukbong Bayan-North Central Mindanao Region (BHB-NCMR) na “pondong pang-eleksyon” ang bilyun-bilyong pondong hawak ng National Task Force (NTF)-Elcac. Sa isang pahayag ngayong araw, binatikos ni Ka Gabrielle, information officer ng BHB-NCMR ang NTF-Elcac at sinabing “batbat ng korapsyon ang kontra-rebolusyonaryong gera ng AFP.”

“Ngayon ang pinakapaborable para sa mga lokal maging sa nasyunal na pulitiko na igiit ang paglaan nang ₱20 milyon sa bawat barangay sa pamamagitan ng barangay development plan ng NTF-Elcac,” ani Ka Gabriella. “Malaki itong pakinabang para sa mga kandidato para bilhin ang boto ng mamamayan at makapangurakot sa proyektong pang-imprastruktura.”

Ayon pa kay Ka Gabrielle, ginagawa lamang itong palabigasan ng mga lokal na upisyal at matataas na upisyal ng AFP. “Nilulustay at ibinubulsa lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng NTF-Elcac ang pera ng bayan.”

Aniya, hindi tunay na napapakinabangan ng mga residente sa mga barangay na nakatanggap ng ₱20 milyon sa ilalim ng programa nitong barangay development program (BDP). Ginagamit din itong pantabing sa madugong kontra-insurhesya, panggigipit, pananakot, at sapilitang pagpapasuko sa mga residente. Liban sa BDP, limpak-limpak ding halaga ang nakukulimbat na pera ng mga upisyal ng AFP sa E-CLIP.

Inilantad ng BHB-NCMR na huwad ang ipinagmamalaki ng AFP na bilang ng mga “nag-surender.” Dagdag ni Ka Gabrielle, sapilitang tinitipon ng mga pulitiko at AFP ang mga residente sa mga baryo. “Pagkatapos ay inihaharap sila sa publiko bilang mga NPA. Sa huli, idinideklara ang mga barangay na ‘cleared’ na raw sa NPA para makuha ang milyun-milyong budget.”

“Ipinagmamalaki na ilampu hanggang daan-daan na diumano ang nagsurender na NPA na kadalasa’y lagpas sa aktwal na bilang ng NPA na kumikilos sa mga lugar na iyon,” anang upisyal ng BHB-NCMR.

Inilabas ng BHB-NCMR ang pahayag ilang araw matapos ipanukala sa Senado ang pagkakaltas sa pondo ng National Task Force (NTF)-Elcac mula ₱28 bilyon tungong ₱4 bilyon sa suunod na taon. Napag-alaman sa isinumiteng liham ng NTF-Elcac sa komite sa pinansya ng Senado, 26 o 1% lamang ang nakumpleto sa 2,318 proyektong nilaanan ng pondo ngayong taon.

Ang pahayag ng BHB-NCMR ay tuwirang pagsalungat sa pahayag ni Governor Jose Maria Zubiri Jr. ng Bukidnon na “nadismaya” sa planong kaltasan ang pondo ng NTF-Elcac. Ang Bukidnon ang prubinsyang may pinakamalaking bahagi (₱1.6 bilyon) mula sa kabuuang ₱16.24 bilyon na inilaan para sa BDP. Pumapangalawa naman ang Bukidnon sa bilang ng mga barangay (71) na makatatanggap ng pondo, kasunod sa Davao del Sur na may 90 barangay. Noong Mayo, 14 pa lamang sa 71 barangay ang nakatanggap ng tig-₱20 milyon.

AB: BHB-NCMR: AFP at mga pulitiko ang masaya sa pondo NTF-Elcac