Bigo at patuloy na mabibigo ang AFP na durugin ang rebolusyon sa Ilocos
Bigo at patuloy na mabibigo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa mga prubinsya ng Ilocos—ang “Norte” na inaangking “balwarte” ng pamilyang Marcos.
Malaking pwersa ng AFP at PNP ang patuloy na ibinubuhos sa mga prubinsya ng Ilocos, laluna sa mga komunidad na apektado at tumututol sa mga mapanirang proyektong minahan, dam at windmill, at ang mga komunidad na aktibong lumalaban sa pagsasamantala ng mga kapitalistang kumpanya, panginoong maylupa at komersyante-usurero.
“Dito sa Ilocos, pinakawalan ng AFP ang tatlong batalyon ng 702nd Infantry Brigade ng Phil Army (81st IBPA, 69th at 24th 1B), ang mga espesyal na yunit pangkombat na 71 at 72nd DRC,” ayon kay Rosa Guidon, tagapagsalita ng National Democratic Front-Ilocos sa isang pahayag noong Hulyo 7. Dagdag pa rito ang pangkombat na yunit ng pulis. Pero sa harap nito, nabigo sila na durugin ang Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon, aniya.
Nilabanan ng BHB dito ang sustenido at malalaking operasyong militar para depensahan ang mamamayan. Pinatotohanan ni Ka Rosa na nagtamo ng malalaking kaswalit ang BHB noong 2020. “Pero hindi ito nadurog,” aniya. Bagkus, “patuloy itong nagpapalakas, nagpapalawak at nagtatamasa ng malawak na suporta ng masa.”
Noong 2020, idineklara ng NTF-Elcac na nagapi na ang BHB sa rehiyon. Pero ang totoo, wala itong alam sa tunay na kalagayan ng rebolusyonaryong kilusan. Bigo itong “imonitor at hadlangan ang patuloy na pagpapalawak ng mga yunit ng BHB sa rehiyon sa kabila ng tuloy-tuloy na malalaking mga operasyon militar mula pa umupo si Duterte noong 2016,” ani Ka Rosa.
Para panindigan ang kanilang hungkag na deklarasyon, binalingan ng NTF-Elcac ang masa at kanilang mga lehitimong organisasyon. Todo-todo ang kampanya sa red-tagging, harasment, sarbeylans, pagsampa sa gawa-gawang kaso at pekeng pagpapasurender sa mga komunidad ng Ilocos.
Sa harap ng banta ng ibayong paghihirap at pang-aapi sa ilalim ng bagong luklok na rehimeng Marcos II, nangako ang NDF-Ilocos na magpapalakas at magkonsolida para magsilbing matibay na moog ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga Ilokano.
“Ibayo pang imumulat at ipapaalala ng NDF-Ilocos sa kabataan at mamamayang Ilokano ang tunay na kasaysayan ng pagkaganid at tiranya ng dinastiyang Marcos,” ayon kay Ka Rosa. “Ibayo pang palalakasin ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng mas marami pang pasasampahin sa BHB at pagpapalakas sa suporta dito.”