Bilyun-bilyong halaga ng bakunang kontra-Covid, nasayang

,

Sa pangatlong taon ng pandemya, nasa 71.5 milyong Pilipino (o 65%) pa lamang ang naturukan ng dalawang dosis ng bakuna. Hindi nito abot ang mababa na ngang target na 78.1 milyon o 70% ng populasyon. (Sa maraming bansa, itinaas na ang target tungong 90% ng populasyon, kabilang ang mga bata.) Mas mababa pa ang nabigyan ng booster shot o pangatlong dosis. Sa 65.34 milyong indibidwal na dapat naturukan na nito, 15.9 milyon pa lamang (o 24.3%) ang nakakuha.

Sa harap nito, pinabayaang mag-ekspayr o mawalan ng bisa kahapon, Hulyo 27, ang 4.25 milyong dosis ng bakuna. Nagkakahalaga ang mga dosis na ito ng ₱5.1 bilyon. May karagdagang 1.6 milyong dosis na nagkakahalaga ng di bababa sa ₱800 milyon ang mag-eekspayr sa Agosto.

Noon pang Abril iginigiit sa noo’y rehimeng Duterte na bilisan at palawakin ang saklaw ng pagbabakuna. Sa ulat ng Department of Health mismo sa buwang iyun, umaabot sa 22 milyong dosis ang mag-eekspayr pagsapit ng Hulyo. Walang ginawang pagmamadali ang rehimen, at sa halip ay itinigil pa ang mga koordinadong mga kampanya sa pagbabakuna sa pambansang saklaw. Hindi na rin todo-todong ikinampanya ang pagbibigay ng “booster shot” o ang pangatlong dosis sa mga naturukan na.

Malaking bahagi ng hindi naturukan at di kumpleto ang dosis ay nasa kanayunan, subalit walang plano o pondo para dalhin ang mga bakuna sa malalayong komunidad ng mga magsasaka at minorya.

Wala rin sa prayoridad ng bagong upong si Ferdinand Marcos Jr ang pagbabakuna at ang pagharap sa pandemya sa pangkalahatan. Katunayan, hanggang ngayon ay hindi pa siya nagtatalaga ng kalihim sa Department of Health.

Kahapon lamang, Hulyo 27, naglabas ang DoH ng mga tuntunin para sa pagpapabwelo ng pagbibigay ng pangalawang booster shot para saklawin ang mga nasa edad-50 pataas at mga may kundisyong medikal na edad-18 hanggang 49 taong gulang.

AB: Bilyun-bilyong halaga ng bakunang kontra-Covid, nasayang