Bungkalan bilang panlaban sa gutom at pandemya

,

Kinakaharap ng mga manggagawang-bukid sa Negros ang Tiempo Tigkiriwi (panahon na nakatigil ang paggigiling ng tubo) simula sa buwan ng Hulyo hanggang Nobyembre kada taon. Nitong nagdaang dalawang taon, dagdag nilang naging pasanin ang kahirapang dulot ng pandemyang Covid-19.

Sa Barangay Mabinungahon (hindi tunay na pangalan), kolektibong hinarap ng nagkakaisang mga magsasaka at manggagawang bukid ang hamon ng tigkiriwi at pinsala ng Covid-19. Naging matatag nilang sandigan ang pagtutulungan at pagkakaisa na nabuo mula sa karanasan at tagumpay ng nauna nilang mga bungkalan. Nagsama-sama sila sa pagbubungkal ng lupa bilang sagot sa kagutuman at pandemya.

Simula nang ipataw ang lockdown, naging halimbawa hindi lamang ng kolektibo, kundi pati ng sustenableng pagsasaka ang bungkalan sa Mabinungahon. Nagkaisa ang mga magsasaka rito na sikaping hindi mabakante ang kanilang bukid sa pamamagitan ng “crop rotation.” Sa bawat siklo ng pagtatanim at anihan, gumagawa ang kanilang mga komite ng plano kaugnay sa susunod na itatanim. Nakalaan at nakahanda ang mga binhi at iba pang pangangailangan. Sistematikong inihahanay ang mga gawain at pagbabahagi sa mga kasapi batay sa nakatakdang panahon.

Sa pagtutulungan ng mga upisyal at kasapi, pinaunlad ang mga sakahan alinsunod sa sustenableng agrikultura. Nangunguna sa itinatanim yaong mapagkukunan ng pagkain para sa mga benepisyaryo at segundaryo ang pananim na pambenta o mapagkunan ng kabuhayan. Pangunahing mga produkto sa bukid ang palay, saging, kamoteng kahoy, mais, kamote, mani at mga gulay. Hindi lamang sariling mesa ng mga kasapi ang nabiyayaan ng pagkain, kundi pati na rin ang mga wala o kulang ang lupang sakahan.

Sa pagsimula ng pandemyang Covid-19, nalimita ang paglabas at pagpasok ng mga residente sa lugar, kahit para sa pagbili ng batayang mga pangangailangan. Naging puhunan ng komunidad ang kanilang ani at nagsilbi itong sentro ng palitan. Naipapalit nila ang kanilang aning halamang ugat ng isda, tuyo, karne at iba pa. Naging bagsakan din ito ng saging at kamoteng kahoy na dinadala sa mga palengke sa kalapit na mga bayan.

Nahikayat ang mas maraming magsasaka na sumapi sa organisasyong masa dahil sa sistema ng pagbabahaginan ng mga produkto, rekurso at serbisyo sa pagitan ng mga myembro nito. Nakabebenepisyo sa bahagi ng ani ang mga magsasaka, kapwa ang mga kasapi o di kasapi, katumbas ng mga araw na ginugol nila sa bungkalan. Umiiral ang dagyaw-alayon (mutwal na pagtutulungan) kung saan nagpapalitan ang mga magsasaka ng lakas-paggawa at serbisyo.

Bahagi ng trabahong kinakailangang gampanan ay ang paghahanda sa lupa mula sa pag-aararo, pangalawang pag-aararo, paggawa ng tudling para mataniman, pagtanggal ng mga damo hanggang sa pagtanim, pagbubunot ng damo, pag-abono at pag-ani. Ang buong organisasyon ang magbebenepisyo sa kita sa produksyon sa anyo ng pondo at ibinabahagi sa mga komite sa edukasyon, produksyon, kalusugan, pangkagipitan, at inilalaan bilang kapital para sa pagpapaunlad ng produksyon, at iba pang mga benepisyo .

Para makapalitaw ng mga kagamitan sa pagsasaka na kinakailangan sa pagbungkal ng lupa, nagsikap ang mga upisyal na makakuha ng ayuda at pinansyal na tulong na libreng ipinamamahagi ng lokal na mga gubyerno.

(Halaw sa Ang Paghimakas, pahayagang masa sa isla ng Negros, Oktubre 2021.)

AB: Bungkalan bilang panlaban sa gutom at pandemya