Bungkalan sa Tarlac, marahas na binuwag; 92 inisyal na inaresto
Marahas na binuwag ng Philippine National Police (PNP) ang bungkalan o sama-samang pagsasaka ng lupa sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac kahapon, Hunyo 9. Inaresto nito ang 92 magsasaka, kabataan at artista. Ang bungkalan ay pinamunuan ng Malayang Kilusang Samahan ng Magsasaka ng Tinang (MAKISAMA-Tinang.)
Inihahanda ng mga magsasaka ang dalawang ektarya ng lupa sa Hacienda Tinang para sa kanilang kolektibong pagtatanim ng gulay nang buwagin ng mga pulis sa aktibidad. Inakusahan ng mga ito ang mga magsasaka na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sinampahan ng mga kaso ng malicious mischief (panggugulo) at obstruction of justice.
Kasalukuyang nakakulong sa Tarlac Provincial Office, Concepcion Police Station ang mga inaresto at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings ngayong araw.
Sa salaysay ng isang kalahok, nang tanungin nila ang mga pulis kung bakit nanggugulo at bakit sila inaaresto, ang tugon lamang sa kanila ay: “NPA kayo.”
“Noong una, ilan lamang ang dinampot sa amin, pero kinorner kami sa kubo ng isang magsasaka kung saan winasak nila ang pinto,” ayon sa salaysay ni Angelo Suarez. Dito na umano nagdesisyon ang mga pulis na damputin ang mas maraming kalahok sa aktibidad.
Ang lupang binububungkal ay bahagi ng 200 ektaryang lupa na ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform sa 236 na magsasakang kasapi ng MAKISAMA-Tinang. Noong taong 1995 pa ibinigay sa kanila, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na nagpapatunay na pag-aari nila ang lupa. Muling pinagtibay ng DAR ang paggawad ng lupa sa mga magsasaka noong 2018 at 2019.
Sa isang dayalogo sa DAR Central Office noong Hunyo 7, sinabi ni DAR Assistant Secretary John Laña na sapat ang katibayan ng mga magsasaka na pag-aari nila ang lupa.
“Isang araw bago ang ika-34 taon ng CARP ngayong araw Hunyo 10, inililinaw ng insidente ang kabiguin nito at pagtugon sa matagal nang suliranin sa lupa ng bansa, at pinasisinungalingan ang sinasbai ng rehimeng Duterte na legasiya nito sa reporma sa lupa,” ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Dagdag pa ng KMP, “ang pagkakait ng lupa sa magsasaka ay pagkakait sa kanila ng kanilang buhay… ang pagtatanim ng pagkain ay hindi krimen, at ang pagsuporta sa mga magsasaka ay hindi gawaing kriminal.”
Kabilang sa mga inaresto ang ilang mamamahayag pangkampus ng The Angelite ng Holy Angel University at The Work ng Tarlac State University. Kinundena ng College Editors Guild of the Philippines ang panggigipit sa mga kasapi nito at nanawagang kagyat silang palayain kasama ng iba pa.
Nagdaos ngayong umaga ng isang mini-graduation rites ang mga kabataan at progresibong grupo sa Tarlac Provincial Office, Concepcion Police Station bilang panawagan sa kagyat na pagpapalaya kay Denisse Macalino ng The Angelite. Magmamartsa sana si Macalino ngayong araw sa kanyang pagtatapos sa paaralan.
Gayundin, sumugod at nagprotesta ang mga progresibo sa harapan ng upisina ng DAR sa Quezon City para ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya sa mga inarest. Pinamunuan ito ng KMP.
Ngayong araw din, nagpiket naman ang mga myembro ng Anakbayan at Katribu sa harap ng upisina ng Commission on Human Rights sa Quezon City para ipanawagan ang pagpapalaya sa mga inaresto at ipagtanggol ang bungkalan.