Buong bansa ang taas-presyo, bakit ang taas-sahod hindi?

, ,

Tinawag ni Bong Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Makabayan, ang National Economic and Development Authority at Department of Finance na “walang puso sa mga manggagawa tulad ni (Rodrigo) Duterte” matapos inayawan ng ahensya ang pagsasabatas ng isang pambansang minimum na sahod.

Ito ay matapos sinalungat ng mga upisyal ng ahensya at ng Department of Finance sa isang pagdinig sa Kongreso noong Marso 17 ang pagsasabatas sa pambansang minimum na sahod dahil magdudulot diumano ito ng pagtaas ng implasyon at “di pagkakapantay-pantay.” Hahadlang din umano ito sa “kakayahan ng mga rehiyon na mag-engganyo ng mga industriya at negosyo.”

Ibig sabihin, pananatilihin ng estado ang mala-aliping sahod at malalaking agwat ng mga sahod sa pagitan ng mga rehiyon bilang insentiba sa mga negosyante, kapwa mga dayuhan at lokal, sa ngalan ng “pagkakapantay-pantay.”

“Makatarungan ang pagdagdag sa sahod, kahit bago pa nagtaasan ang presyo ng langis,” ayon kay Labog. “Nararapat sa mga manggagawa na tumanggap ng dagdag-sahod matapos nilang palutangin ang ekonomya sa gitna ng pandemya. Laluna ngayong nagsilakihan ang pagtaas ng presyo ng langis na sobrang nagbagsak sa halaga ng mga sahod at nagpapahirap sa mga manggagawa.”

Hindi totoong tumataas ang mga presyo dahil itinataas ang sahod, aniya. Pinakamabagal ang pagtaas ng mga sahod sa ilalim ng rehimeng Duterte at pinakamababa ang halaga nito sa nakaraang 35 taon. “Binabarat ang mga manggagawa pero tumataas pa rin naman ang mga presyo ng bilihin at cost of living.”

 

Mula Enero 2020 hanggang Agosto 2020, bumagsak nang abereyds na 9% ang mga sahod sa buong bansa, ayon sa mga estadistika ng gubyerno. Pero sa parehong panahon, tuluy-tuloy na tumaas ang implasyon. Katunayan, tumalon ito mula 4% noong Hulyo 2020 tungong 4.9% noong Agosto sa kasagsagan ng unang taon ng pandemya. Pinakamabilis ang pagsirit ng mga presyo ng pagkain.

“Kapag taas presyo, unli! Kahit kailan nila gusto at kahit ilang beses pa. Pero pagdating sa taas sahod, napakabarat at napakakupad ng Duterte administration. Hindi ko alam kung paano nakakatulog itong mga upisyal ng gubyerno tuwing gabi gayong hinahayaan nilang mamatay sa gutom ang taumbayan!” bwelta ni Labog.

“Yung ₱537 sa NCR, ubos na agad sa pamamalengke, hindi pa kasama ang pambayad sa upa, kuryente, at tuition fee. Mas lalo pa sa ibang rehiyon na higit na mas mababa ang sahod kahit napakamahal din ng mga bilihin. Kung sisipatin pa nga, higit na mas mahal pa ang presyo ng langis at pagkain sa ibang mga rehiyon,” added Labog.

Sa ilalim ng panukalang batas, itataas ang sahod sa buong bansa nang hanggang ₱750 kada araw. Kung dalawa ang nagtatrabaho sa isang pamilya, mangangahulugan ito ng ₱1,500 kada araw. Pero sa harap ng nagtataasang presyo ng bilihin at singil, halos pang-agapay lamang ang dagdag-sahod na ito.

AB: Buong bansa ang taas-presyo, bakit ang taas-sahod hindi?