Cordillera, lugi sa pagbaha ng kontrabandong gulay
Doble ang pagkalugi ng mga magsasaka ng gulay sa Cordillera dahil sa ismagling ng gulay sa bansa. Ito ay ayon sa Alyansa dagiti Pesante iti Taéng Kordilyera (Apit Tako), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Cordillera. Dagdag pahirap ito sa mahina na nilang kita dulot ng mga pagbabawal at paghihigpit na ipinataw sa ngalan ng pandemyang Covid-19.
Ayon sa grupo, naaalarma ang mga magsasaka sa pagbaha ng murang kontrabandong repolyo, carrot, at broccoli mula China. Ibinebenta ang mga ito sa Divisoria Market at mga iba pang palengke sa Metro Manila kung saan ibinebenta ang halos kalahati sa kabuuang produksyon ng gulay sa Cordillera.
“Sa nagdaang mga taon, nakararanas ang Pilipinas ng bultuhang pag-aangkat ng mga gulay mula China at ibang bansa sa panahong tumataas ang presyo ng lokal na produkto,” ayon sa Apit Tako.
Dahil dito, bumagsak ang benta, at kaakibat nito, ang presyo ng lokal na gulay. Ang presyo ng karot at repolyong ibinebenta sa ₱85 at ₱155 kada kilo sa Metro Manila ay hinihila pababa ng kontrabandong gulay na ibinebenta sa mas mababang ₱70 at ₱60 kada kilo. Pumipinsala ito sa mga magsasaka dahil napakataas ang gastos sa produksyon ng gulay.
Tinatayang nasa 58,000 sambayahan (bagsakan ng produkto) sa mga prubinsya ng Benguet, Mountain Province, at Ifugao ang nakaasa sa pagbebenta ng gulay sa pambansang kabisera, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority. Nakapagprodyus ang tatlong prubinsya ng halos 80% ng highland na gulay. Ang buong Cordillera ay nakapagprodyus ng 130,538 metriko tonelada ng repolyo, patatas, kamatis, kamote, cassava, talong at sibuyas noong 2020.
Dagdag ng Apit Tako, napipilitan ang lokal na maggugulay na itapon ang kanilang ani na di naibebenta. Kumpara sa lokal na gulay, mas matagal bago mabulok ang kontrabandong gulay dahil sa nilalaman nitong samutsaring gamot o preservative.
Binatikos ng Apit Tako ang Department of Agriculture dahil sa tugon nitong “nahuhuli, mababaw… at mahina” na walang ibang ginawa kundi mag-utos ng imbestigasyon sa taun-taon na lamang na problema ng malawak na ismagling.