PKP: Walang batayan ang CHR sa pagbatikos sa BHB
Inalmahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang walang batayang paglalabas ng Commission on Human Rights ng mga pahayag sa mga itinuring nitong mga “paglabag ng Bagong Hukbong Bayan” sa mga patakaran ng digma at internasyunal na makataong batas. Kinundena kamakailan ng CHR ang armadong aksyon ng BHB-Sorsogon sa hedkwarters ng 504th Police Maneuver Company ng Regional Mobile Force Company ng Philippine National Police sa Barangay Esperanza, Pilar Sorsogon noong Pebrero 28 ng gabi. Napaslang sa armadong aksyon si P/Cpl. Ryan M. Atos at nasugatan ang isa pang elemento ng RMFB.
Binigyang-diin ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP, na lehitimo ang armadong aksyong inilunsad ng BHB sa Sorsogon at sumunod ito sa mga patakaran ng digma at internasyunal na makataong batas. “Tinarget nito ang isang detatsment ng pulis at walang nasaktang sibilyan,” ayon pa sa kanya.
Inilinaw ni Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon, na ang operasyon ay bahagi ng nagpapatuloy na pagtugon ng BHB sa kahilingan ng masang Sorsoganon na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng terorismo ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte.
Liban sa insidenteng ito, makailang beses nang “kinundena” ng CHR ang armadong aksyon ang BHB laluna sa rehiyon ng Bicol. Pinunto ni Valbuena na “mabilis sa pagkundena” ang CHR subalit halos wala namang ginagawang pagtugon at imbestigasyon ng ahensya sa patung-patong nang mga krimen ng mga sundalo at pulis laban sa mga sibilyan.
Ani Valbuena, ang trabaho ng CHR ay bantayan ang AFP at PNP sa mga paglabag sa karapatang tao. Taliwas dito, “halos hindi naglalabas ang CHR ng mga pahayag o nagtutulak ng imbestigasyon sa napakarami nang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng AFP at PNP, kabilang ang napakarami nang sibilyang pinatay at pinaaresto sa Sorsogon.”
Simula 2020, mayroong 12 kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang laban sa mga hindi armadong sibilyan. Hindi bababa sa 24 ang nired-tag at iligaal na inaresto, sinampahan ng gawa-gawang mga kaso para ibinbin sa kulungan sa prubinsya.
Bukod pa dito ang anim na beses na paglalabas ng maling mga pahayag at naghabi ng kasinungalingan ng AFP na ang mga sibilyang magsasakang kanilang pinaslang ay mga napaslang sa isang “engkwentro. Pinakatampok dito ang masaker sa limang magsasaka sa Barangay Dolos, Bulan noong Mayo 8, 2020.
“Wala pa kaming narinig na pahayag ng CHR laban sa mga ito, o naglunsad man lamang ng mga imbestigasyon kaugnay ng mga kasong ito,” dagdag ni Valbuena.