Cuba, isa sa mga nangunguna sa pagbabakuna sa mundo

,

Pumapangalawa ang Cuba sa 218 bansa sa bilang ng mga nabakunahan kada 100 ka tao. Ngayong araw, Nobyembre 9, mahigit 26 milyong bakuna na ang naiturok sa bansa sa tantos na 232 ka dosis sa bawat 100 ka tao. (Nangunguna sa mga bansa ang Gilbrartar na nakapagturok ng 91,931 dosis sa tantos na 273 na dosis kada 100 ka tao.)

Ayon sa mga internasyunal na monitor, ganap nang nabakunahan sa Cuba ang 67.4% ng populasyon. Nasa 88.6% na ng 11.3 milyong populasyon nito ang nabakunahan ng minimum na isang dosis. (Isa sa mga bakuna sa bansa ay nangangailangan ng tatlong dosis.) Target ng bansa na maabot ang buong populasyon (100%) sa katapusan ng taon.

Ang Cuba ang unang bansang maramihang nagbabakuna ng mga batang edad 2 hanggang 18. Nagsikap ang Cuba na makapagprodyus ng sarliling ligtas na bakuna na maaaring ibigay kahit sa mga bata matapos lalupang higpitan ng noo’y presidente ng US na si Donald Trump ang mga sangsyon o hakbang na panggigipit sa ekonomya ng bansa.

Di tulad sa halos lahat ng bansa, kasabay na nagpaunlad ang Cuba ng bakuna para sa mga bata bilang pagbibigay ng espesyal na pag-aruga sa kanila. Ayon sa mga upisyal ng estado, ito ay para bakunado na sila pagbalik sa mga paaralan. Noon pang Marso-Abril isinagawa dito ang mga trial ng mga bakuna na ligtas iturok sa mga bata.

Sinimulan ng Cuba ang pagbabakuna ng mga health workers at matatanda noong Mayo. Tinodo ang kampanya para saklawin ang buong populasyon noong Hulyo nang biglang tumaas ang bilang ng impeksyon sa bansa dulot ng mas nakahahawang baryant na Delta.

Naantala ang pagmamanupaktura ng bakuna dahil sa kakulangan ng materyal na resulta ng embargo na ipinataw ng US sa pakikipagkalakalan sa bansa. Sa ilalim ng embargo ng US, bawal na mag-eksport ang anumang bansa ng suplay na medikal na may 20% pataas na lamang-US (US content).

Dahil sa katusuan ng US, nagtagal ang “alon” ng mga impeksyon sa Cuba hanggang gitna ng Setyembre. Sa mga panahong ito, todo ang pagsisikap ng Cuba na pabilisin ang kampanya sa pagbabakuna sa gitna ng kakulangan ng materyales, kabilang ang 20 milyong pang-ineksyon (syringe). Sa paghupa ng mga impeksyon dulot ng malawakang pagbabakuna, naging gawi muli sa Cuba ang pag-aalay ng palakpak kada gabi ng mamamayan para sa kanilang mga frontliner.

Soberanya sa bakuna

Sa ngayon, dalawang klase ng bakuna ang ibinibigay sa Cuba — ang Soberana 2 (na may pangatlong dosis na tinawag na Soberana Plus) at Abdala. Kaiba sa mga bakunang minamanupaktura sa mga imperyalistang bansa, ang Soberana 2 ay “RBD-base,” gawa sa pamamagitan ng isang klase ng teknolohiya na matagal nang ginagamit sa Cuba. Mayroon itong bersyon (RBD-TT) na espesyal na ginawa para sa mga bata.

Nailathala sa Lancet Regional Health-Americas, internasyunal na publikasyong medikal, noong Setyembre na nasa 91.2% ang efficacy (bisa) ng dalawang dosis Soberana at isang dosis ng Soberana Plus sa mga trial nito. Sa mga nahawa na ng Covid-19, isang dosis na lamang ng Soberana Plus ang itinuturok.

Samantala, nagtala ng 92.8% efficacy ang Abdala na ibinibigay sa 2 dosis at 1 dosis ng Soberana Plu bilang “booster shot.” Tulad sa Soberana, ibinibigay ang pangalawang dosis matapos ang 28 araw at ang booster shot matapos ang 56 na araw mula ang unang dosis (0-28-56).

Liban sa Cuba, gagamitin rin sa Iran at Venezuela ang Soberana at Abdala. Sa taya ng mga tagapagmanupakturang Cuban, kayang magprodyus ang bansa ng 100 milyong dosis ngayong taon. Nalilimitahan lamang ang produksyon nito dulot ng embargo ng US.

AB: Cuba, isa sa mga nangunguna sa pagbabakuna sa mundo