Dalagita sa Quezon, iligal na dinitine at ginahasa ng mga sundalo ng 59th IB

,

Isinapubliko ng Gabriela Southern Tagalog noong Enero 21 ang kaso ni Belle, isang 15-anyos na batang babae, na biktima ng panggigipit, iligal na detensyon at panggagahasa ng militar sa prubinsya ng Quezon.

Sa isinagawang press conference ng Gabriela-ST, dinetalye ni Belle ang pagdukot at iligal na detensyon sa kanya mula Hulyo 27, 2020 hanggang Agosto 13. Aniya, galing lamang siya sa isang tindahan nang harangin ng 59th IB at pinilit na isakay sa van na kulay puti. Matapos tanggalin ang kanyang piring nakita niyang may pitong sundalo na dumukot sa kanya. Ikinulong sa isang kwarto sa loob ng isang kampo ng 59th IB sa Quezon.

Dito, dumanas siya ng matinding abusong pisikal, interogasyon at pagbabanta. Ipinalalahad sa kanya ang mga aktibidad umano ng mga rebelde sa kanilang komunidad. Pinaaamin rin sa kanya na mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanyang magulang. Habang nasa kustodiya ng militar, paulit-ulit siyang ginahasa ng dalawang suspek. Isa sa kanila ay kinilala niyang si Leoven Julita, isang elemento ng CAFGU.

Matapos ang detensyon sa kampo militar, dinala at ikinulong naman siya sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development sa Lopez, Quezon at sa bahay ng isang pulis bago siya pinalaya.

Ayon kay Belle, “nagmamakaawa ako sa DSWD na pakawalan ako pero pilit nila akong pinapirma ng pahayag na boluntaryo akong pumunta doon at na ayoko nang umuwi. Nakasulat din sa salaysay na NPA ang magulang ko. Labag ito sa aking kalooban.” Binantaan din siya ng DSWD-Lopez na manahimik na lamang at kung hindi ay papatayin siya at kanyang pamilya ng mga sundalo.

Dagdag pa ni Belle, matapos ang kanyang dinanas, ay patuloy pa ring dinarahas ang kanyang pamilya sa kabila ng kanilang pananahimik. Ito na rin ang nagkumbinsi sa kanyang sampahan ng kaso ang mga sundalo.

Lumapit ang mag-anak sa Gabriela para magpatulong ng pagsasampa ng kaso. “Naglakas-loob kami na dumulog sa Gabriela kasi alam kong sila ang makakatulong sa amin,” ayon sa ina ni Belle na si Nanay Ofel. “Bilang ina, ang sakit na nararamdaman ng anak ko ay nararamdaman ko rin. Hindi ko alam paano na kami, hindi na kami makauwi sa bahay. Hindi na makapag-aral si Belle, takot siya na dukutin siya ulit.” Si Nanay Ofel ay myembro ng CLAIM, isang grupo ng mga magniniyog sa Quezon na naggigiit sa kanilang karapatan sa coco levy fund. Dahil sa kanyang aktibong paglahok sa organisasyon, tuluy-tuloy siyang ginipit ng mga sundalo.

“Tumambay sila sa bahay namin. Pinipilit akong umamin na NPA daw ako. ANg nais ko lang naman ay pag-isahin ang mga magniniyog at magsasaka para maayos ang aming buhay,” ani Nanay Ofel. “Pinaratangan kaming may baril, pinagbibintangan kami. Pilit na pinapasuko kami. Pero ang pinkaamasahol ay ang ginawa nila sa aking anak. Kaya nananawagan kami ng hustisya.”

Kinasuhan na ni Belle at kanyang pamilya ang CAFGU na si Julita at iba pang upisyal ng AFP ng panggagahasa, illegal detention with rape, violence against women and children. Kabilang din sa kanyang sinampahan si Arnil Abrinillo, kasamahan ni Julita, ng kidnapping at serious illegal detention, mga magulang ni Julita na sina Leonita at Vilma Julita at Desiree Salamat ng DSWD-Lopez.

Ayon kay Shirely Songalia ng Gabriela Southern Tagalog, lahat ng sangkot sa krimen ay dapat mapanagot. Ang kaso ni Belle ay patunay sa matinding mga paglabag sa karapatang-tao sa Quezon at pinalala ng NTF-ELCAC at whole-of-nation approach ng rehimen.

Ayon kay Joms Salvador ng Gabriela Philippines, ang pang-aabusong sekswal ay bahagi ng estratehiyang pulitikal-militar, kung saan ginagamit ang panggagahasa bilang porma ng pagtortyur at terorismo. “Ang panggagahasa ay isang pulitikal na problema,” aniya, “sistematiko ito at nakaugat sa kontra-insurhensya.”

Aniya, nagiging breeding ground ng red-tagging at pagpapasuko ang counter-insurgency, na ngayon ay ikinukumpas ng NTF-Elcac. Maraming nagyari sa Southern Luzon dulot nito, dagdag ni Salvador. “May kaso ng gang rape, kidnapping.”

Mayroong 559 kaso ng paglabag sa kababaihan ang mga elemento ng AFP, PNP at Philippine Navy ayon sa datos ng Department of National Defense. Sa lahat ng kasong ito, 439 na umano ang resolbado pero ang katotohanan, wala ni sinuman sa mga suspek ang napurusahan.

AB: Dalagita sa Quezon, iligal na dinitine at ginahasa ng mga sundalo ng 59th IB