Dalawang bata, napaslang sa walang-patumanggang pamamaril ng 20th IB

,

Walang-patumanggang pamamaril ng mga tropa ng 20th Infantry Battalion ang kumitil sa buhay ng dalawang bata sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar noong Pebrero 8. Taliwas ito sa ipinakakalat ng Armed Forces of the Philippines na napatay sila nang “maipit” sila sa “engkwentro” sa pagitan ng mga sundalo at Bagong Hukbong Bayan.

Sa pahayag ng National Democratic Front (NDF)-Eastern Visayas noong Pebrero 17, ang isang 12-anyos na Grade 6 at isang 9-anyos na bata ang napaslang sa pamamaril ng mga sundalo. Isang bata pa ang malubhang nasugatan.

“Ang karumaldumal na krimeng ito ay lansakang paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL),” ayon sa NDF-Eastern Visayas.

Idinagdag ng NDF-EV na krimen sa gyera ang nangyari. Idiniin nito na may malinaw na pananagutan ang kumander ng 20th IB na si Lt. Col. Joemar Buban, kumander ng 8th ID na si Maj. Gen. Edgardo de Leon, kumander ng Philippine Army na si Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., at ang chief-of-staff ng AFPP na si Gen. Andres Centino. Idiniin din nila na dapat panagutan ng “numero unong berdugo-terorista at utak ng pinatinding todo-gera ng estado laban sa mga sibilyan” na si Rodrigo Duterte.

Sa imbestigasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Eastern Visayas, dalawang magkahiwalay na insidente ang naganap sa araw na iyun. Ang isa ay kontra-reyd ng isang yunit ng BHB-Northern Samar laban sa isang kolum ng mga elemento ng 20th IB na nagtatangkang umatake sa kampo ng mga Pulang mandirigma. Sinundan ito ng walang habas na pag-istraping ng isa pang kolum ng mga tropa ng 20th IB sa mga kabataang “nagsasabak” o nagdadala ng produktong kopras. Naganap ito sa magkahiwalay na lugar.

Sa tangkang itago ang kanilang krimen, pinalabas ng mga upisyal ng AFP na iisang insidente lamang ang naganap at sadyang ikinalat na sa “crossfire” napatay ang mga bata para pagtakpan ang kanilang krimen.

Nagpaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati ang NDF-Eastern Visayas sa mga pamilya ng mga biktima ng sundalo.

Nanawagan naman ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga yunit ng BHB sa rehiyon na umaksyon para bigyang hustisya ang pagkasawi ng mga bata sa Catubig, gayunin ang lahat ng mga biktima ng gera ng panunupil ng AFP.

AB: Dalawang bata, napaslang sa walang-patumanggang pamamaril ng 20th IB