Dam sa China, winasak para pigilan ang malawakang pagbaha
Pinasabog ng militar ng China ang isang dam sa syudad ng Louyang sa probinsya ng Henan noong Hulyo 21 dahil sa pangambang babahain nito ang mas marami pang lugar dulot ng walang kapantay na bolyum ng ulan sa loob ng tatlong araw noong nakaraang linggo.
Bago nito, umabot sa 25 ang namatay sa syudad ng Zhengzhou dahil sa di inaasahang pagbaha. May mga bidyo sa internet na nagpapakita ng mga binahang subway (sistema ng tren sa ilalim ng lupa) at mga lansangan ng syudad na animo’y naging rumaragasang mga ilog na tumatangay ng mga kotse at sasakyan. Mahigit 10 tren na may lulang 10,000 katao ang napilitang tumigil at umabot sa 26 malalaking kalsada ang isinara.
Mula Huyo 17 hanggang 20, nakapagtala ang syudad nang hanggang 617.1 mm o 24.3 inch ulan, halos katumbas na ng taunang abereyds nito na 640.8 mm o 25.2 inch na ulan. Ayon sa mga eksperto, ang ganitong antas ng tubig ay minsan lamang nakikita “sa loob ng isang libong taon.”
Naniniwala ang mag syentista na ang ganitong kalagayan ng panahon, na tinatawag na “extreme weather condition” — pareho ng mga katulad na pagbaha sa Europe at ang kabaliktaran na sobrang taas na temperatura sa US at Canada — ay nakaugnay sa climate change. Anila, magiging mas madalas sa hinaharap ang ganitong mga “extreme” na kundisyon at dapat matamang paghanda ng mga gubyerno.