Dambuhalang inutang ni Duterte, hindi sa pagharap sa pandemya napunta
Hindi totoong lumobo ang utang ng bansa para sa pangangailangan sa pagharap sa pandemya, taliwas sa sinasabi ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Duterte. Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, mas malaking bahagi ng inutang ng rehimen mula tumama ang pandemya noong 2020 ay ginamit para tustusan ang programa sa imprastruktura at pagbabayad ng utang.
Noong katapusan ng Enero 2022, iniulat ng estado na umabot na sa ₱12.3 trilyon ang utang ng pambansang gubyerno. Nangangahulugan ito ng ₱110,364 utang ng bawat Pilipino.
Ayon sa Ibon, sa ₱5.3 trilyong inutang ng rehimen mula 2020 hanggang 2021 (o halos kalahati ng kabuuan), ₱570 bilyon lamang ang napunta sa pagharap sa pandemyang Covid-19.
Sa kabilang banda, ayon sa Ibon, gumastos ang rehimen ng ₱1.84 trilyon para sa proyektong imprastruktura at ₱2.17 trilyon para ipambayad ng utang. Ang mga ito ay pitong beses na mas malaki kumpara sa ginastos sa pag-apula ng pandemya.
Pinalobo rin ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimen ang iniulat nitong mga utang na nakuha para sa apulain ang pandemya. “Nagsisinungaling ang mga manedyer sa ekonomya sa pagsasabing ang tugon sa Covid-19 ang nagpalobo sa utang sa pagsasabing mayroong $25.7 bilyon na dayuhang utang para sa pandemya.” Sa pagsusuri ng grupo, nasa $5.6 bilyon o 23% ng kabuuan ang partikular na para sa tugon sa Covid-19.
“Malinaw na tumanggi ang gubyernong Duterte na maglaan ng sapat na pondo sa pinakakagyat na mga pangangailangan ng mamamayan sa ilalim ng pandemya tulad ng pagpapalakas sa sistemang pangkalusugan, pagbibigay ng ayuda sa nahirapang mga pamilya, at subsidyo sa mga magsasaka at maliliit at katatamtamang-laking negosyo,” ayon sa grupo.
Dagdag nito, hindi angkop na hindi binago ang malakihang paggasta sa imprastruktura dahil malaking bahagi nito ay lumalabas ng bansa sa anyo ng pagbili ng mamahaling imported na mga materyal, makinarya at pagbabayad sa dayuhang mga kontraktor. “Mas malaki sana ang naging multiplier effect ng halagang ito kung inilagay ito sa mga bulsa ng mamamayan at sa pagsuporta sa lokal na maliliit at katamtamang-laking negosyo.”
Tinawag ng Ibon na “dagdag insulto” ang plano ng Department of Finance na magpataw ng dagdag na buwis para ipambayad sa utang. Noong katapusan ng 2021, umabot sa ₱1.28 trilyon ang binayaran ng rehimen na utang, mas mataas nang 25% kumpara sa nakaraang taon.