Dambuhalang mga protesta sa Kazakhstan laban sa taas-presyo, katiwalian
Sumiklab noong Enero 2 ang malawakang mga protesta sa Kazakhstan na nilahukan ng puu-puong mamamayan para tutulan ang pagsirit ng langis kasunod ng pagtanggal ni Pres. Kassym-Jomart Tokayev ng kontrol sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG). Maliban sa pagdoble ng presyo ng LPG, natulak ang mamamayang Kazakh na magprotesta para labanan ang laganap at matagalang katiwalian, kahirapan, disempleyo at di pagkakapantay-pantay sa bansa na pinatindi ng pandemyang Covid-19.
Ang mga pagkilos ay sinimulan sa inisyatiba ng mga manggagawa sa Ozenmunaigas oil field sa syudad ng Zhanaozen. Inisyal na panawagan ng mga manggagawa na ibaba ang presyo ng natural gas na pangunahing rekurso na ginagamit sa mga sasakyan at pagpoprodyus ng kuryente sa bansa. Pagkatapos ang dalawang araw, lumaganap at humugis tungong isang pambansang welga ang mga pagkilos na sinaklaw ang halos lahat ng sentrong syudad at bayan sa bansa. Sa kalaunan, naging sentro ng protesta ang Almaty Square sa syudad ng Almaty, pinakamalaking syudad at dating kabisera ng Kazakhstan. Mayorya ng lumalahok sa mga pagkilos sa naturang syudad ay mga kabataang walang trabaho, mga manggagawang kontraktwal na hindi sapat ang kinikita, at mga maralita.
Hindi na lamang pagpapababa sa presyo ng natural gas ang kanilang panawagan sa pambansang welga. Ipinanawagan din ng mamamayan ang pagbibitiw sa pwesto ng gubyerno ni Tokayev, at pagtatanggal sa pulitikal na kapangyarihan ng dating pangulo ng bansa at diktador na si Nursultan Nursultan Nazarbayev, na anila’y patuloy na namamayagpag sa bansa sa kabila ng pagbaba niya sa pwesto noong 2019 matapos ang halos tatlong dekada ng kanyang diktadura. Iginiit din ng mga raliyista ang ligalisasyon ng pag-uunyon, pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, at nasyunalisasyon ng lahat ng malalaking minahan.
Kabilang sa mga mayor na hakbang ng mga raliyista ang pag-okupa sa pinakamalaking paliparan ng bansa sa Almaty noong Enero 4. Inokupa rin ng mga raliyista ang iba pang mga susing imprastruktura sa naturang syudad. Kinabukasan, nilusob at sinunog ng mga raliyista ang bahay ni Tokayev kasunod ng pagbibitiw ng kanyang gabinete sa pwesto. Natulak din na magbitiw si Nazarbayev bilang hepe ng National Security Council noong Enero 5 sa tangkang pahupain ang galit ng mga raliyista. Gayunpaman, iniluklok naman ni Tokayev ang sarili para direktang pamunuan ito.
Noong Enero 6, buong araw na pinaulanan ng bala ng mga pwersa ng estado ang Almaty sa dikta ni Tokayev para buwagin ang mga pagtitipon. Nagpataw din ang rehimen ng mga restriksyon sa paggamit ng internet para pigilan ang pagdaloy ng impormasyon ukol sa mga nagaganap sa lugar.
Para supilin ang mga pagkilos, nagpataw si Tokayev noong Enero 7 ng dalawang-linggong karpyu at inutusan ang armadong pwersa ng Kazakhstan na “barilin nang walang babala” ang mga raliyista na binansagan niyang mga “terorista.”
Ayon sa konserbatibong taya ng gubyerno noong Enero 9, umabot na sa 164 ang namatay, kalakha’y mga raliyista. Kabilang rin diumano sa mga namatay ang 16 na armadong elemento ng estado. Umabot sa 2,200 ang nasugatan (62 ang kritikal) at 7,939 raliyista ang inaresto.
Umiigting ngayon ang interbensyong militar sa bansa kasunod ng pagpapanawagan ni Tokayev ng suportang militar mula sa Russia para supilin ang mga protesta. Nagpahayag ang Collective Security Treaty Organization, isang alyansang militar na pinamumunuan ng Russia, na magdedeploy ito ng 2,500 tropa sa bansa sa ngalan ng “pagpapanatili sa kapayapaan.” Noong Enero 6, nagsimula nang dumating sa bansa ang mga tropa mula sa Russia, Belarus, Tajikistan at Armenia. Sinasakyan naman ng US at mga alyado nito ang lehitimong protesta ng mamamayang Kazakh para batikusin ang interbensyong militar ng Russia.
Ang Kazakhstan ang ikalawang may pinakamalaking reserba ng langis sa mga dating bansang Soviet kasunod ng Russia. Mayroon itong 30 bilyong bariles na reserbang langis, ika-12 pinakamalaki sa buong mundo, at nagpoprodyus ng 1.8 milyong bariles kada araw. Sa kabila ng mayaman na rekursong ito, laganap ang kahirapan sa bansa dulot ng laganap na katiwalian at kroniyismo sa ilalim ng rehimen ni Nazarbayev at Tokayev.