Dambuhalang proyektong reklamasyon sa Dumaguete, tinutulan
Tinutulan ng mga syentista, akademiko, estudyante at tagapagtanggol ng kalikasan ang P23-bilyong proyektong reklamasyon (Tinago-Calindagan reclamation project) sa baybayin ng Dumaguete City. Layunin ng proyekto ng magtayo ng isang artipisyal 174-ektaryang isla a baybayin ng Barangay Bantayan hanggang Barangay Banilad. Noong Hulyo 11, biglaan at walang konsultasyong pinahintulutan ng lokal na konseho ng Dumaguete City ang meyor nito na pumasok sa isang Joint Venture Agreement sa .M. Cuerpo Inc sa Hulyo 12 para ibwelo ang proyekto.
Tinutulan ng mga residente ang proyekto dahil sisirain nito ang natitirang coral reef at seagrass sa baybayin ng syudad na pinagkukunan ng hanapbuhay ng maliliit na mangingisda rito. Ayon sa isang pag-aaral, wawasakin nito ang ekosistema na nagbubuhay sa 200 klaseng isda sa lugar. Sisirain din nito ang di bababa sa apat na marine protected area na sumasaklaw sa 104 ektarya sa mga barangay ng Bantayan, Looc, Mangao at Banilad.
Tanong ng mga naglunsad ng petisyon laban sa proyekto: Sino ang makikinabang? Anila, hindi dapat ituloy ang proyekto hanggang walang konsultasyon sa publiko at malinaw ang mga bentahe nito sa ekolohiya, sosyal at ekonomya. Nangunguna sa mga pumirma sa petisyon si Angel Alcala, isang pambansang syentista at dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Pumirma rin ang mga dati at kasalukuyang presidente ng Siliman University at iba pang lokal na syentista.
Sa isang hiwalay na petisyon, nanawagan rin ang kabataan sa Negros, sa pangunguna ng Kabataan para sa Karapatan-Negros Oriental at iba pang grupo, na itigil ang lahat ng mga proyektong reklamasyon at pagpapalawak ng kalsada sa syudad at sa halip ay ituon ang pondo sa pagharap sa kagyat na mga pangangailangan ng mga residente sa syudad.
Noon pang Disyembre 2019 binigyan ng kasalukuyang kalihim ng DENR na si Gen. Roy Cimatu ang proyekto ng “area clearance” na may bisa ng limang taon.