Retiradong Pulang mandirigma sa Northern Samar, tinortyur, pinaslang ng AFP
Isang dating Pulang mandirigmang hindi armado at ilang taon nang nagpahinga sa serbisyo ang dinakip, pinahirap at walang awang pinaslang ng mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines sa Northern Samar.
Pinagbabaril ng mga sundalo ng 20th Infantry Battalion si Bryan “Ka Tanel” Obin sa sakahang saklaw ng Barangay Sag-od, Las Navas, noong Marso 12 bandang alas-5:30 ng madaling araw.
Ayon sa mga saksi, mala-firing squad na pinagbabaril ng mga berdugong sundalo ang biktima. Apat na bala ang tumama sa kanyang dibdib ayon sa mga nakakita sa kanyang bangkay.
Walang habas ding nagpaputok ang mga sundao sa palibot upang palabasing “engkwentro” ang nangyari at hindi ekstrahudisyal na pamamaslang ng isang sibilyan.
Isang araw bago paslangin, dinakip si Obin ng nasa 15 pasistang tropa at ng traydor na si “Papay” sa kanyang bahay sa sakahan bandang ala-1 ng hapon.
Nabakas ng mga nakakita sa kanyang bangkay ang mga senyales ng matinding pagpapahirap kabilang ang maraming pasa sa kanyang ulo. Ayon sa pamilya ni Obin, tinortyur siya upang subukang kuhaan ng impormasyon hinggil sa yunit ng BHB sa kanilang lugar.
Mariing kinundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang di mabilang na paglabag ng 20th sa karapatang pantao at sa mga alituntunin ng digma sa paghuli, pagtortyur, pagpaslang at paglapastangan sa bangkay ni Obin.
“Hindi makatao at labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ang ginawa ng mga sundalo ng 20th IB,” ayon kay Fr. Santiago “Ka Sanny” Salas, tagapagsalita ng NDF-EV.
“Kahit pa dating Pulang mandirigma si Obin, maling agad na lang siyang pagbabarilin. May mga karapatan siya na dapat iginalang pa rin lalupa na tatlong taon na siyang sibilyan, hindi armado, at walang dalang banta sa mga sundalo.”
Walang katapusang mga paglabag
Hindi kuntento sa ginawa nilang pamamaslang, inutusan ng mga sundalo ang mga tagabaryo ng Sag-od na iparada ang katawan ni Obin tungo sa kalapit na Barangay San Jose.
Pagdating dito, nakita ng mga tagabaryo kung paanong habang suot ang kanilang mga botas, pinag-apak-apakan ng mga walang hiyang sundalo ang katawan ni Obin.
“Layunin ng saywar na ito na sindakin ang masa at gawing halimbawa si Obin ng karahasang kaya nilang gawin sa mga sibilyan,” ayon kay Fr. Salas.
Matapos nito, idiniretso ng mga sundalo sa bayan ang kanyang bangkay imbes na ibigay sa kanyang pamilya.
“Pinapakita lang ng AFP na walang kinikilalang batas o pagiging makatao ang kanilang mga tropa. Pawang kasinungalingan ang palabas nila sa publiko na ‘inaalagan’ nila ang bangkay ng mga Pulang mandirigmang ‘namatay’ sa engkwentro. ‘Pag-aalaga’ bang maituturing na iparada ang bangkay ng sibilyang kanilang pinaslang, apak-apakan ito, at ipagkait sa kanyang nagdadalamhating pamilya?
“Para sa mamamayan ng Sag-od, walang karapatan, batas o moralidad na kinikilala ang AFP, kahit pa ng sibilyan,” ayon kay Fr. Salas.
Mahigit tatlong taon nang namumuhay bilang sibilyan si Obin. Noong 2018 pa siya nagpahinga sa pagiging buong-panahong Pulang mandirigma matapos maging aktibo sa iba’t ibang linya ng rebolusyonaryong gawain.
Hindi kaiba sa mga nagseserbisyong sundalo at kahit sa ilang rebolusyonaryo, kalaunan ay pinili ni Obin na umalis sa BHB at mamuhay bilang sibilyan.
“Boluntaryo ang pagsali sa BHB, gayundin ang pag-alis sa serbisyo,” paliwanag ni Fr. Salas.
Nang paslangin ng AFP, malaon nang naghahanapbuhay si Obin bilang magsasaka at nag-iipon upang paghandaan ang panganganak ng kanyang buntis na asawa.
“Sa ilalim ng pasistang estado, walang garantiya ng kapayapaan o paggalang sa karapatang pantao ng mga rebolusyonaryo.”
Kamakailan lang ay ibinalita din ang pagpaslang ng AFP sa mag-asawang Adelantar sa Jiabong, Western Samar. Kapwa retirado na at tahimik na lamang na nagsasaka ang dawalang lider-rebolusyonaryo nang pagbabarilin ng mga armadong maton ng rehimen.
“Siguradong sumusumpa ngayon ang mga kasama at masang nakatrabaho nila Obin na kakamtin nila ang hustisya sa pamamagitan ng ibayong pagsulong ng digmang bayan,” pagtatapos ni Fr. Salas. (Larab)