DepEd at kinontratang kumpanya, di nagbayad ng sahod
Umaabot sa ₱42 milyong halaga ng mga sahod na hindi pa naibibigay ng Department of Education (DepEd) sa Ei2 Tech Inc, isang kumpanyang kinontrata nito para gumawa ng mga bidyo na naglalaman ng mga programa at aralin para sa DepEd TV.
“Naibigay na namin lahat ng output na kailangan tapusin pero wala kaming sinahod sa loob ng walong buwan,” ayon kay Andres Bonifacio Jr., executive producer ng Ei2 Tech. Ang kumpanya ay pagmamay-ari ng brodkaster na si Paolo Bediones.
Noong Hulyo 2020, kinontrata ng DepEd ang Ei2Tech para gumawa ng mga bidyo na nakabatay sa mga modyul sa antas kindergarten hanggang Grade 12. Inilabas ang mga unang bats ng mga bidyo sa unang kwarto ng 2020 at natapos sa unang kwarto ng 2021.
Noong Oktubre 2021, tumigil ang mahigit 100 manggagawa ng kumpanya na gumawa ng bidyo dahil sa kabiguan ng DepEd na ibigay ang sahod. Mula pa Disyembre 2020 hindi maayos ang pagpapasahod sa kanila. Marami sa mga manggagawa ang nahirapan sa kanilang araw-araw na gastusin at ang iba ay napalayas na sa kani-kanilang inuupahang mga bahay.
Ayon pa sa mga manggagawa, animo’y niloloko sila ni Bediones na nakatanggap na ng ₱45 milyon mula sa DepEd para sa unang bahagi ng proyekto. Anila, puro pagdadahilan ang sagot niya kapag sinisinigl nila ang aktor. Pagdadahilan ni Bediones, nagamit na ang pera sa pagbabayad ng mga inupahang sasakyan at sa ibang manggagawa na una nang nagreklamo sa Department of Labor and Employment at National Labor Relation Commission.
Muling namang nangako si Bediones na magbabayad oras na makuha ang bayad sa ikalawang bahagi ng proyekto na nagkakahalaga ng ₱654 milyon.
Hanggang ngayon ay walang tugon ang DepEd sa kanilang mga hinaing.