DepEd, kinastigo ng mga guro sa maanomalyang paggastos sa pondo

,

Inulan ng batikos ang Deparment of Education (DepEd) matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng bagong mga ulat na nagtutukoy sa mga “deficiency” o pagkukulang ng kagawaran kaugnay sa paggastos sa ₱4.527 bilyong pondo para sa Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) o programang distance learning noong 2020-2021 at 2021-2022.

Kabilang sa pinuna ng COA ang sobrang mahal na mga laptop na binili ng DepEd para umano sa mga guro. Sa badyet na ₱2.4 bilyon, 68,500 laptop ang inaprubahang bilhin sa halagang ₱35,000 bawat isa. Subalit 39,583 lamang ang nabili sa presyong ₱58,300 kada laptop. Natukoy ng COA na ang klase ng biniling laptop ay dapat nagkakahalaga lamang na ₱22,000 hanggang ₱25,000 kada isa.

Pinuna ito ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at sinabing “hindi na nahiya ang pamahalaan, ginagamit pa ang mga guro sa panghihingi ng donasyon, samantalang hindi pinopondohan nang sapat ang edukasyon at kwestyonable pa ang ginawang paggastos sa pondo.”

Kaugnay ang naturang komento ng itinutulak na ‘Brigada Eskwela’ ng DepEd kung saan mga guro ang itinutulak ng kagawaran na magpondo sa pagpapaayos at paghahanda sa kanilang mga klasrum para sa pagbabalik ng harapang eskwela.

“Nakakalungkot na habang 4.5 bilyong piso ang di maayos na ginastos ng Deped na para sana sa mga eskwelahan at mga guro ay inoobliga naman ang mga guro na mangalap ng pera para sa Brigada Eskwela na sagot dapat ng pamahalaan,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT.

“Masakit sa dibdib ng mga guro na habang nangungutang sila para makabili ng laptop ay maanomalya ang paggamit ng pondo para dito. Dapat magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon rito at panagutin ang mga salarin sa nag-aksaya at posibleng kumita sa transaksyong ito,” dagdag ni Quetua.

Sa pahayag naman ni Renato Reyes Jr ng Bagong Alyansang Makabayan, sinabi niyang tila “Pharmally” ito ng DepEd o maanomalyang paggastos na pinagmumulan ng kurakot.

AB: DepEd, kinastigo ng mga guro sa maanomalyang paggastos sa pondo