Designasyong “terorista” sa mga alyadong organisasyon ng NDFP, kinundena

,

Binatikos kahapon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang inilabas na proklamasyon ng Anti-Terrorism Council na bumabansa sa 16 na alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang mga “teroristang grupo” sa bansa. Ang resolusyon ng ATC ay may petsang Enero 26 subalit isinapubliko lamang noong Huwebes, Pebrero 22.

Ang mga organisasyong tinukoy ng ATC ay ang sumusunod: Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU), Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA), Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Kabataang Makabayan (KM), Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma), Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP), Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), Lupon ng mga Manananggol para sa Bayan (Lumaban), Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas), Makabayang Kawaning Pilipino (MKP), Revolutionary Organization of Overseas Filipinos and their Families (Compatriots, Christians for National Liberation (CNL), Cordillera People’s Democratic Front (CPDF), Moro Resistance Liberation Organization (MRLO) at Revolutionary Organization of Lumads (ROL).

“Arbitraryo at walang batayan ang designasyon,” ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng Commuist Party of the Philippines. “Pinatutunayan ng resolusyong ito ng NTF-Elcac/ATC kung paanong ang tinatawag nitong Anti-Terrorism Law ay batas para sa pampulitikang panunupil at terorismo ng estado,” aniya. Inilarawan niya ang mga organisasyong ito bilang mga pwersang “rebolusyonaryo, patrioyotiko at demokratiko”

Bahagi ang pagturing sa mga organisasyon ng NDFP bilang “terorista” sa umiigting na kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Duterte laban sa malapad na demokratikong mga pwersa. “Pinagtitibay nito ang paghahari ng terorismo ng estado,” aniya.

Binigyang-diin ni Valbuena na sa layuning sindakin ang mamamayan, ang designasyon ay bahagi ng mga paghahanda para dayain ang darating na pambansang eleksyon para tiyakin ang panalo ng tambalang Marcos-Duterte.

Kasunod ng designasyon ang pag-freeze ng Anti-Money Laundering Counci sa mga akawnt sa bangko at ari-arian ng nabanggit na mga organisasyon.

“Sino o kaninong assets ang tatargetin ng AMLC samantalang ang mga organisasyong ito ay mga underground o lihim na organisasyon?” tanong ni Valbuena. Dahil “underground” o lihim, hindi kilala o incognito ang mga kasapi ng mga organisasyong ito alyado sa NDFP. “Walang silang mga ari-arian na nasa kanilang pangalan, laluna walang mga account sa bangko,” ani Valbuena.

“Ang kanilang mga kasapi, na bumibilang nang ilampung libo, ay incognito at hindi matutukoy.”

Ang peligroso, aniya, ang tunay na pakay ng deklarasyon at hakbang na ang “lalong pag-ipit at paggipit sa mga pinag-iinitan ng military at NTF-Elcac na mga social activists, mga progresibo at patriyotikong pwersa, mga human rights defenders, at mga kritiko ng rehimen.”

Bago ang designasyon, “hibang na hibang” ang pang-reredtag ng NTF-Elcac at AFP sa mga aktibista at myembro ng mga organisasyong masa at progresibong partido para palabasin mga myembro sila ng mga organisasyong lihim.

Sa panig naman ni NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison, sinabi niyang gagamitin ito para arbitraryong bansagan ang sinuman na bahagi ng mga lihim na organisasyong ito at akusahan ang buu-buong ligal na demokratikong mga organisasyon bilang mga “alter-ego”, prente o kaugnay ng mga ito, na lantarang paglabag sa kanilang konstitusyunal at ligal na mga karapatan.

Ayon pa kay Ka Joma, mayroon umanong mga ulat mula sa hanay ng maka-Duterteng paksyon, NTF-Elcac at ATC, na mayroon nang nakahandang plano ang rehimeng Duterte para sa malawakang red-tagging, maramihang pag-aresto, detensyon at mangilan-ngilang ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibistang panlipunan mula sa iba’t ibang mga sektor na bahagi ng ligal na demokratiko at patriyotikong mga organisasyon para takutin ang bayan.

Idinagdag niya na isasagawa ang mga ito para magkaroon ng “kredibilidad at kaganapan” ang banta ng padedeklara ng batas militar bago matapos ang termino ni Duterte.

Inilinaw namaan ni Ka Joma na ang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon ay mayroong kakayahang pangalagaan at ipreserba ang kanilang mga sarili laban sa kahit anong panunupil. “Matagal na silang pinanday at sinubok sa rebolusyonaryong pakikibaka at nakapangibabaw sa higit 14 na taong pasistang diktadura ni Marcos at ibang mga pagsubok,” ayon pa kay Ka Joma.

AB: Designasyong "terorista" sa mga alyadong organisasyon ng NDFP, kinundena