Di magagapi: Serye ng opensibong aksyon, inilunsad ng hukbong bayan sa Bicol
Magkakasunod na taktikal na opensiba ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga prubinsya sa rehiyong Bicol magmula noong Disyembre 2021. Bahagi ito ng kampanyang pagbigo sa hibang na target ng rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Mayo 2022, katapusan ng kanyang upisyal na termino sa pagkapangulo.
Ang mga armadong aksyon ay pagbibigay-hustisya rin sa mga pinaslang ng rehimeng US-Duterte sa rehiyon sa nagdaang mga taon. Naitala sa rehiyong Bicol ang aabot sa 46 na biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang mula Disyembre 2020-Disyembre 2021, pinakamataas sa buong bansa.
Sa isla ng Catanduanes, inambus noong Pebrero 1 ng BHB-Catanduanes (Nerissa San Juan Command) ang nag-ooperasyong yunit ng pulis sa Sityo Tucao, Barangay J.M. Alberto, San Miguel. Nasamsam sa operasyon ang tatlong pistola at iba pang kagamitang militar. Napaslang sa operasyon ang tim lider ng mga pulis na si Police Sr. MSgt. Johnny Tiston.
Tatlo ang napaslang at lima ang nasugatan na sundalo sa inilunsad na ambus ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) sa mga tropa ng 9th ID na nag-ooperasyon sa Barangay Recodo, Cawayan noong Enero 28. Bigwas ang armadong aksyon sa operasyong dumog na matagal nang inilulunsad ng mga sundalo sa prubinsya.
Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB sa isla, “nagkakamali si Duterte, ang AFP, PNP at ang buong Joint Task Force Bicolandia sa hibang na paniniwalang mawawasak nila ang malawak na suporta ng masa sa prubinsya sa armadong rebolusyon.”
Noong Enero 23, dalawang sundalo ang nasugatan sa ambus ng BHB-East Camarines Sur (Tomas Pilapil Command) laban sa isang yunit ng 83rd IB sa Barangay Pinamihagan, Lagonoy. Nasamsam mula sa kaaway ang isang military pack, 10 powerbank at iba pang kagamitang militar.
Ipinahayag ni Ka Baldomero Arcanghel, tagapagsalita ng yunit ng BHB dito, na ang armadong aksyon ay pagbigo nila sa mga pasistang atake ng AFP sa mamamayan sa lugar. Ayon sa kanya, mula nang magsimula ang Retooled Community Support Program (RCSP) sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur noong nakaraang taon, hindi bababa sa 67 ang kaso ng paglabag sa karapatang-tao at daan-daan ang mga naging biktima nito. Kabilang sa mga krimen ng mga sundalo ang walong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at isang kaso ng pambobomba mula sa ere.
Iniulat naman ng BHB-Bicol ang walo pang opensiba na inilunsad ng BHB noong Disyembre 2021 sa Pilar sa Sorsogon, Esperanza sa Masbate, at Daraga, Camalig at Legazpi City sa Albay.
“Pinabubulaanan ng sunud-sunod na tagumpay na ito ng Pulang hukbo ang ipinagyayabang ng kaaway na pagkadurog umano ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol,” pahayag ni Ka Raymundo Buenfuerza ng Panrehiyong Kumand ng BHB sa Bicol. “Nagkakasya na lamang ang militar sa pagpapakalat ng mga pekeng balita at paglulunsad ng mga engrandeng operasyong pagtugis na palagian din namang binibigo ng Pulang hukbo,” dagdag pa niya.