Dumi ng tao na itinambak sa WPS ng mga barkong Chinese, kita mula sa kalawakan
Ibinunyag ng Simularity, isang kumpanyang nagsusuri ng mga satellite image (larawang kuha mula sa kalawakan), ang epekto ng pagtatambak ng dumi ng tao ng mga barkong Chinese na nakaangkla sa West Philippine Sea (WPS). Makikita sa mga satellite image na inaral ng kumpanya ang pag-iiba ng kulay ng tubig sa mga erya kung saan itinatambak ang mga dumi ng tao sa rehiyon ng Spratly.
Sa isang panayam noong Lunes sa ABS-CBN, ipinaliwanag ng upisyal ng kumpanya na si Liza Derr na palatandaan ito na tumataas ang konsentrasyon ng chlorophyll-a mula sa mga algae na sumusulpot sa mga klaster ng bahura kung saan nakaangkla ang mga barkong Chinese sa nakalipas na limang taon. Aniya, ang pagtaas na ito sa rehiyon ay dulot ng pagtatambak ng dumi ng tao.
Dahil daan-daang barkong Chinese ang naka-angkla roon at hindi gumagalaw, natitipon ang dumi ng tao at nagreresulta sa pagsulpot ng algae na nangwawasak sa mga bahura na nagsisilbing tirahan ng mga isda at iba pang lamang dagat. Lumilikha din ito ng mga “dead zone” kung saan kinakain ng bacteria ang sobra-sobrang chlorophyll-a na siya ring kumokonsumo ng oxygen na para sana sa mga isda. Kabilang sa isasapanganib nito ang iba’t ibang klase ng migratory tuna na nagtutungo sa lugar para magparami.
Sa pinakahuling kuha ng mga satellite image ng kumpanya noong Hunyo 17, mayroong 236 barkong Chinese sa Union Bank sa Spartly Islands.
Pinalabas ng Chinese Embassy sa Philipinas at maging ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na peke ang ulat na Simularity dahil maling larawan ang ginamit ng kumpanya. (Ginamit ng kumpanya ang larawan ng isang barko na nagtatambak ng dumi sa Great Barrier Reef ng Australia noong 2014.) Ipinaliwanag ng Simularity na ginamit lamang nito ang naturang larawan para magbigay ng konteksto dahil napakaliit ng mga satellite image na kanilang nakuha. Aniya, hindi ibinatay ang kanilang pananaliksik sa naturang larawan, kundi sa pag-aaral ng mga satellite image. Dagdag pa niya, isinagawa ito mula sa kalawakan dahil imposibleng maglunsad ng anumang pag-aaral sa rehiyon sa ngayon dahil militarisado ang lugar. Hinimok ng Simularity ang rehimen na maglunsad ng imbestigasyon para beripikahin ang resulta ng pananaliksik at makita nang malapitan ang kalagayan ng lugar.
Kaugnay nito, naghain ng resolusyon ang blokeng Makabayan noong Hulyo 14 para imbestigahan ng Committee of Aquaculture at Committee on Foreign Affairs ng Kongreso ang insidente.