Duterte, balak gamitin ang militar para kontrolin ang eleksyon 2022
Nagbanta kahapon si Rodrigo Duterte na “mapipilitan” siya na gamitin ang miltiar para diumano tiyaking maging mapayapa at malaya ang eleksyong 2022. Ito anya ay dahil ayaw niya ng gulo at dayaan. Kunwa’y nakiusap pa siya sa mamamayan na sumunod sa batas at iwasan ang karahasan. Ngayon pa lamang, ipinahihiwatig at ipinatatanggap niya ang kanyang planong ipaiilalim ang pamamahala sa eleksyon — isang mahalagang gawain ng independyenteng ahensya ng burukrasyang sibil — sa kontrol ng militar. Tulad sa iba pang pasistang hakbang, gagawin niya ito kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar.
Ginawa ni Duterte ang pagbabanta sa harap ng mga panauhin sa inagurasyon ng Sultan Kudarat Provincial Hospital sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat noong Setyembre 24. (Kasama niya sa entablado ang kanyang katambal na kandidato na si Bong Go.) Ang ospital ay proyekto ng lokal na gubyerno ng dating gubernador na si Sultan Pax Mangundadatu. Una na itong napasinayaan noong Oktubre 2020.
Sa kanyang pahayag, ipinagpalagay na ni Duterte na magkakaroon ng gulo at dayaan sa eleksyon at gagawin ito ng mga “tao.” Ito ay sa gitna ng mga akusasyon na balak niya at ng kanyang pangkatin na mandaya, laluna matapos igawad sa kumpanyang F2 Logistics na pag-aari ng kanyang kroni na si Dennis Uy ang kontrata para sa transportasyon ng mga gamit sa eleksyon sa araw ng halalan.
Sa ilalim ni Duterte, tumaas ang bilang ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga tradisyunal na pulitiko. Mula 2016 hanggang Marso ngayong taon, tinatayang mayroon nang 25 meyor at pangalawang meyor na pinaslang. (Ayon sa Philippine National Police, dumoble ang bilang na ito sa 2017-2019, bago ang eleksyong 2019.) Indi iilan sa mga pinatay ang pinangalanan ni Duterte sa kanyang “narco list” at sa gayon ginawang target sa kanyang “gera kontra-droga.” Isa rito ang meyor ng Los Banos ng Laguna na si Ceasar Perez na pinaslang noong Disyembre 3, 2020. Pinakahuling pinatay na pinaghihinalaang may kinalaman sa eleksyon si mor Trina Dait, isang duktor na tumakbo pagkameyor sa Pilar, Abra noong 2019.
Dagdag sa panggigipit at pamamaslang sa karibal niyang mga tradisyunal na pulitiko, aktibo rin si Duterte at kanyang mga alipures sa NTF-ELCAC sa paninira, pangrered-tag at pamamaslang sa mga kasapi at tagasuporta ng progresibong blokeng Makabayan. Isa rito si Atty. Juan Macababbad, isang human rights lawyer at myembro ng Bayan Muna, na pinatay ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado sa harap ng kanyang bahay sa Surallah, South Cotabato noong Setyembre 15. (Ang Bayan Setyembre 25, 2021)