Duterte-Duterte, itinulak sa kumbensyon ng PDP-Laban
Naganap kahapon ang pulong ng pambasang konseho ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ang partido ni Rodrigo Duterte, sa Cebu City, sa kabila ng mariing pagtutol ng presidente nito na si Sen. Manny Pacquiao. Ipinatawag ang pulong ni Duterte sa pamamagitan ni Energy Sec. Alfonso Cusi, ang tumatayong bise-presidente ng partido.
Pangunahing layunin ng pulong ang pagdedeklara sa kandidatura ni Duterte bilang kandidato sa halalang 2022. GInawa ito sa pagpasa ng isang resolusyon na “humihiling” kay Duterte na tumakbo bilang bise-presidente at pagbibigay sa kanya ng solong awtoridad na pumili ng kandidato pagkapresidente bilang katambal niya. Ito ay para ikutan ang konstitusyon na nagbabawal nang tumakbo ang isang nakaupong presidente para sa pangalawang termino. Sa gayon, binigyan ni Duterte ang kanyang sarili ng tabing para piliin ang kanyang sariling anak na si Sara Duterte Carpio bilang katambal sa darating na eleksyon, o alinman sa kanyang mga alipures.
Napakarami nang mga pakulo si Duterte at kanyang anak para isalaksak sa lalamunan ng mga Pilipino ang tambalang Duterte-Duterte. Noong Pebrero, inilunsad ang Run Sara Run, gamit ang mga mga upisyal sa mga barangay. Kasabay nito, nagkaroon na ng mga mga motorcade sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang sa kahabaan ng EDSA noong Pebrero 26. Noong Marso, pinangunahan ng kanyang opereytor na si Robert Mendoza, isang barangay captain ng kanyang syudad, ang isang motorcade mula Davao tungong Cagayan. Tulad ng taktika ng kanyang ama sa panahon ng eleksyong 2016, nagkukunwari si Sara Duterte na wala siyang kinalaman siya sa mga pakulong na ito.
Noon namang Mayo 30, isang malaking palabas ang ginawang pagtanggap ng nakababatang Duterte ng mga pagbati sa kanyang kaarawan mula sa mga pulitiko bilang bahagi ng pagpapahayag ng suporta sa kanya. Kabilang dito ang pagbisita ng magkapatid na Bongbong at Imee Marcos, mga anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos noong Mayo 28 sa Davao CIty para “personal” siyang batiin. Inihahalintulad ito sa “pagbisita” ng dalawang Marcos sa kanyang ama noong 2015 bago ipinirmi ang kandidatura ni Duterte pagkapresidente at ni Marcos bilang kanyang bise-presidente.
Kahapon din, ibinunyag ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino na ginagamit ng mga Duterte ang mga upisyal sa barangay para mangalap ng suporta para kay Sara Duterte. Pinost niya sa kanyang Twitter account ang isang sulat na ipinadala ng isang kapitan ng barangay sa Bulacan sa isang homeowner subdivision para isarbey “kung may sapat bang suporta para sa kandidatura ng nakababatang Duterte.”