Duterte, hinamong patunayan na wala siyang tagong yaman
Hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate si Rodrigo Duterte at mga myembro ng kanyang gabinete na ilabas ang kani-kanilang statement of assets, liabilities and net worth o SALN para patunayan na wala silang tinatagong yaman.
Ayon kay Zarate, liban sa pagsasapubliko ng SALN, dapat ibukas ng mga upisyal ng rehimen ang kani-kanilang mga bank account para patunayang wala silang itinatagong yaman. Sa nakaraang mga taon, paulit-ulit na naakusahan si Duterte at kanyang anak na si Sara na tumatanggap ng milyun-milyong pondo gamit ang mga bank account na hindi nila inililista sa nauna nilang isinapublikong mga SALN.
Ginawa ni Rep. Zarate ang hamon matapos mabunyag ang itinatagong yaman ni Arthur Tugade at Dennis Uy sa tinaguriang Pandora Papers, ang kulumpon ng mga dokumento na naglalaman ng mga detalye ng mga itinatagong yaman ng pinakamayayamang personalidad at mga pampublikong upisyal sa buong mundo. Ang mga yaman na ito ay nakalagak sa mga kumpanyang nakarehistro sa mga bansang “tax haven” para umiwas sa pagbayad ng buwis sa kani-kanilang mga bansa. Si Tugade ay kasalukuyang pinuno ng Department of Transportation at si Uy ay isa sa pinakamalapit na negosyante sa pamilyang Duterte.
Liban sa dalawa, lumitaw din ang mga pangalan nina Enrique Razon at Peter Rodriguez; dating pinuno ng Comelec na si Andres Bautista at ang mga ari-arian ng mga pamilyang Aboitiz, Gaisano, Gatchalian at Sy. Ang mga pamilyang nabanggit ang pinakamalalaking burgesya-kumprador sa bansa. Sa kabuuan, natukoy ng Philippine Center for Investigative Journalism ang 900 indibidwal na nakabase sa Pilipinas na humahawak ng tagong yaman sa ibang bansa, kalakhan sa British Virgin Islands. Mayorya sa kanila ay gumamit ng di tunay na mga pangalan.