#DutertePalpak #ENDoTERTE, hatol ng mga manggagawa
Sa huling SONA ni Rodrigo Duterte, ENDO ang hatol ng mga manggagawang nagtipon para ilunsad ang State of Labor Address noong Hulyo 23. “Tama na, ENDOterte na!” ang sigaw ng Kilusang Mayo Uno, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at UNI Global Union – Philippine Liaison Council. Anila ang krisis sa trabaho, laganap na kagutuman, ayudang di sapat, kapabayaan sa pagkontrol sa pandemya at lumalalang sitwasyon sa kalusugan at ekonomya, pamamaslang at pagsuko sa soberanya ng bansa ay sapat nang batayan para wakasan na ang rehimen.
Kinundena ng mga manggagawa ang kabiguan ni Duterte na tuparin ang pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon at sa halip ay higit pang pinatindi ang pagdurusa ng mga manggagawa. Anila, sa kasalukuyan humaharap ang bayan sa krisis sa disempleyo. Tinatayang mayroong 9.2 milyon hanggang 13.5 milyong indibidwal ang wala o kulang ang trabaho sa panahon ng pandemya. Malawakan ang konraktwalisasyon at samutsari ang mga iskemang itinutulak ngayon ng mga labor agencies para takasan ang kanilang responsibilidad sa mga manggagawa. Nakapako pa rin ang minimum na sahod, habang kulang na kulang ang ayuda.
Noong Hulyo 19, nagtungo ang mga manggagawa sa paanan ng Mendiola, Maynila para ipaabot ang kanilang “letter of termination” kay Duterte. Panawagan nila, umalis na siya sa pwesto.
Kasabay na inilunsad ang talakayan hinggil sa kalagayan ng masang anakpawis na tinaguriang State of the Toiling Masses sa Commission on Human Rights sa Quezon City.