#DutertePalpak: Ibalik sa mga Moro ang Marawi
“Palpak ang rehabilitasyon ng Marawi.” Ito ang pahayag ni Samira Gutoc, pinuno ng Ako Bakwit, dalawang araw bago ang ika-lima at huling SONA ni Duterte.
Aniya, dapat ginawang prayoridad ng gubyerno ang pagbibigay ng mga permit sa pagtatayo ng mga bahay at gusali at pagsasaayos at distribusyon ng mga titulo. Sa halip, inuna ni Duterte ang pagtatayo ng isang kampo militar at mga palamuting proyekto tulad ng dambuhalang barangay hall at museo. Sa isang ulat noong Mayo, inamin ng Task Force Bangon Marawi na nasa 65% pa lamang ang natatapos na imprastruktura para sa kuryente at tubig. Hindi pa natatapos kahit ang mga kalsada.
“Ibinalik na lang sana sa indibidwal ang pag-build back ng Marawi, dahil di naman ito nagagawa o kinakaya ng gubyerno,” ayon pa kay Gutoc. Kaunti pa lamang sa 80,000 residente ng Ground Zero ang nakababalik dahil sa kawalan ng permit at pondo.
Noong Mayo, sinabi na ni Drieza LIninding ng Moro Consensus Group na dapat balikatin ng gubyernong Duterte ang gastos para sa muling pagpapatayo ng mga bahay ng mga residente ng sinira ng pambobomba ng AFP. Pero kahit sa nalalapit na SONA ni Duterte, hindi prayoridad ang pagpasa ng batas na magbibigay kumpensasyon sa mga Moro na biktima ng pang-aatake.