#DuterteWakasan Bagsak na agrikultura, busabos na magsasaka ang pamana ni Duterte
Noong Hulyo 25, naglunsad ng State of Peasant Address ang mga magsasaka upang kundenahin ang pagpapalala ng rehimeng Duterte sa kahirapan at kagutuman ng masang anakpawis. Anila, si Rodrigo Duterte ang pinakamalalang sakit at pinakamatinding sakuna na tumama sa bansa.
Sa unang taon pa lamang ng kanyang rehimen, 63% na ng mamamayang Pilipino o 59 milyong Pilipino ang hindi maayos na nakakakain at dumaranas ng matinding kagutuman. Nang tumama ang pandemya, tiyak na nadagdagan pa ang bilang na ito lalupa’t kaunti ang sinaklaw ng ayuda. Batay sa datos ng Department of Agriculture, 900,000 lamang o halos isa sa sampung magbubukid ang nabigyan ng ayuda.
Barya at kulang na kulang din ang ₱2,000-₱3,000 pampinansyang ayuda noong 2020. Malayong malayo ito sa panawagan ng mga magsasaka na ₱15,000 ayuda para sa subsidyo sa produktong agrikultural at halagang-₱10,000 ayuda buwan-buwan sa panahon ng lockdown.
Bagsak ang bentahan ng palay at patuloy na nalulugi ang mga magsasaka na hindi pa nakaaahon mula sa ₱7 kada kilong presyo ng palay. Mula nang ipatupad ang Rice Liberalization Law umaabot sa ₱90 bilyon na ang lugi sa kanilang sektor.
Nababahala naman ang industriya ng magbabababoy sa bansa na aabot pa hanggang 2026 ang krisis sa karneng baboy dahil sa palyadong pagresolba ng gubyerno sa African Swine Fever. Ngayong 2021, umabot na ito sa Ilocos, Catanduanes, Sorsogon, Leyte, Masbate, Samar, Surigao del Norte, Misamis Oriental, Agusan del Sur at Davao.
Kahit sa panahon ng pandemya, niratsada ng rehimen at ng mga ahensya nito sa agrikultura ang mga proseso ng pagpalit-gamit ng lupa. Walang pigil ang pangangamkam ng lupa. Malala pa, ang mga lupang kolektibong sinasaka ng mga magsasaka ay winawasak at inaatake. Pinakanakinabang rito ang mga kroni ni Duterte at malalapit niyang kaibigan gaya nila Dennis Uy na lumago tungong 260% ang kita mula sa pagbebenta ng lupa at mga kita sa pantalan; si Ramon Ang na 118% ang inilawak ng inaaring lupa sa pagtatapos ng 2020; at mga Villar na kumokontrol na sa 61% ng mga proyektong pabahay sa bansa.
Inireklamo rin ng mga manggagawang bukid ng asukarera at asyenda sa Isabela ang sahod-alipin nilang kalagayan, anila, dumanas sila na halos ₱18 kada araw lamang ang kita, mula sa ₱170 kada araw sa nagdaang mga administrasyon.
Kaalinsabay ng pagbulusok ng kabuhayan ng mga magsasaka, walang patid ang terorismo ng mga armadong galama ni Duterte sa kanayunan.
Sa kasalukuyan, may 336 magsasaka na ang pinaslang, kabilang dito ang mga biktima sa 25 masaker mula 2016. Sa tala, pinakamaraming pinaslang sa Negros, Eastern Visayas, Bicol at Southern Mindanao.
Hinahalihaw ng mga berdugo ang mga komunidad ng katutubo sa tabing ng “counterinsurgency.” Daan-daan ang iligal na inaresto sa mga gawa-gawang kaso gamit ang Synchronized Enhanced Managing Police Operations at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation ng pinagsamang operasyon ng AFP at PNP. Nagdulot ang mga operasyong ito ng matinding ligalig sa mamamayan.
Sa mga batayang ito, panawagan nila, “Tama na! Sobra na! Wakasan na!”