#DuterteWakasanNa | CLIMATE EMERGENCY: Marumi at maka-dayuhang patakarang pangkalikasan ni Duterte
Palamuti ang lahat ng mga tindig at buladas ni Rodrigo Duterte sa pangangalaga sa kalikasan at climate change dahil taliwas ang mga ito sa kanyang aktwal na mga patakaran. Ito ang pahayag ng grupong pangkalikasan na Youth Advocates For Climate Action Philippines (YACAP) kaugnay sa nalalapit na State of the Nation Address.
Sa nakaraang mga taon, hindi masusukat ang pagkawasak ng libu-libong mga tahanan dahil sa mas malalakas na bagyong humagupit sa Pilipinas sa nagdaang mga taon. Pinakamalalakas dito ang Ompong (2018), Ulysses at Rolly (2020). Liban sa mabagal at kawalang-tugon sa mga sakuna, pinalubha ng mga patakarang pangkalikasan ng rehimeng Duterte ang epekto ng mga kalamidad.
Pakitang-gilas lamang ang pag-abruba ng rehimen sa Nationally Determined Contribution ng bansa na may layuning mag-ambag umano sa pag-agapay sa global warming. Sa totoo, sa Coal Roadmap 2017-2040 ng rehimen, itataas ang lokal na produksyon ng karbon tungong 282 milyong metriko tonelada (MT) sa 2023-2040 mula 23 milyong MT sa 2017-2018.
Pinirmahan ni Duterte noong Abril ang Executive Order 130 na nagwakas sa 9-taong moratoryum sa pagbubukas ng mga bagong minahan. Pinaupo ni Duterte ang kanyang hinirang na si Gen. Cimatu sa tuktok ng DENR para tiyakin ang kita ng mga kumpanyang mina at pandarambong sa kalikasan.
Sa magkakasunod na taon (2017-2019), nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng Global Witness sa pinakamaraming bilang ng pinaslang na tagapagtanggol sa kalikasan. Makailang-ulit ding nakaranas ng pandarahas at red-tagging ang sektor laluna nang ilunsad noong Setyembre 2019 ang mga lokal na protesta kaugnay ng Global Climate Strike.