(EARTH DAY PHILIPPINES 2021) Yamang mineral ng bansa, inihandog ni Duterte sa mga dayuhan
Pitong araw bago ang Earth Day, pinirmahan ni Rodirgo Duterte ang Executive Order 130 na nagwakas sa 9-na-taong moratoryum sa pagbubukas ng mga bagong minahan. Magpapahintulot ang kautusang ito sa pagsisimula sa mga operasyon ng di bababa sa 291 na aplikasyon sa pagmimina. Ipinataw ang moratoryum noong 2012 ng rehimeng Aquino sa mga ilang protektadong mga lugar habang hindi pa nababago ng Kongreso ang tantos sa pagbubuwis sa mga kumpanya ng mina.
Dobleng hambalos sa mamamayan ang pagtatatapos ng moratoryum. Liban sa buu-buong iniluluwas ng mga kumpanya ng mina ang hilaw na materyales mula sa mga minahan (kabilang ang lupa), gagamitin ang rebenyu na makukuha rito bilang pambayad sa bilyun-bilyong pisong inutang ng estado. Inamin ito ni Finance Sec. Carlos Dominguez III noong Oktubre 2020 sa pagsabing kailangan ng estado ang dagdag na mga panggagalingan ng rebenyu “para bayaran ang mabibigat na utang sa “laban sa Covid-19” ng gubyerno. Noong Pebrero, umabot na sa P10.4 trilyong utang ng estado. Ayon sa isang pananaliksik na inilabas noong April 21, P754 bilyon dito ay para diumano sa paglaban sa pandemya.
Alinsunod sa EO 130, itataas mula 2% tungong 4% ang buwis na sisingilin sa mga kumpanya sa mina. Noong 2020, nasa 0.75% lamang ang rebenyu mula sa industriya ng pagmimina sa kabuuang gross domestic product ng bansa. Ayon sa Ibon Foundation, kakarampot lamang na P15.5 bilyon ang nalikom ng estado mula sa industriya sa anyo ng mga buwis (kabilang ang excise tax sa ilalim ng batas na TRAIN), bayarin at royalties.
Wala ring 1% ang iniempleyo ng industriya. Alinsunod sa datos ng gubyerno, nasa 190,000 lamang na manggagawa ang nakaempleyo sa pagmimina. Kahit pa makapagpapalitaw diumano ang EO 130 ng dagdag na 42,000 bagong trabaho — wala pa itong katiting sa bilang ng mga trabahong nawala at patuloy na nawawala dahil sa sobrang tagal nang lockdown.
Tinataya ng DoF na makalilikom ang estado ng P21 bilyon sa sektor ng pagmimina. Sa presscon ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque noong Abril 19, pinalaki niya ang potensyal na malilikom tungong P40 bilyon mula sa buwis, P20 bilyong halaga ng mga “social project,” at P15 bilyon “royalties.” Pero, pag-amin niya, hindi ito kaagad-agad na mapakikinabangan ng mamamayan. Hindi nabanggit ni Roque na bahagi ng mga kontrata sa pagmimina ang pagbibigay ng gubyerno ng insentibang pagpapaliban ng mga kumpanya ng pagbabayad ng buwis ng hanggang anim na taon.
Kabilang sa nabanggit na pahihintulutan nang mag-opereyt ang Sagittarius Mines Inc. (SMI), KingKing Mining Corporation at Silangan Mindanao Mining Corporation. Lahat ng mga ito ay nasa Mindanao at matagal nang tinutulan ng mga residente.
Noong Abril 20, nagpahayag ng muling pagtutol ang simbahang Katoliko at mga grupong maka-kalikasan sa EO 130 na anito’y magdadala lamang ng dagdag na kamatayan at pinsala sa isla. Kabilang sa tumutol ang diocese ng Marbel na malaon nang lumalaban sa pagbubukas ng minahan ng SMI sa Tampakan.
Tumutol din ang CanCarMadCarLan Baywatch Foundation, Inc, na nakabase sa Surigao del Sur — ang lugar kung saan pahihintulutang magmina ang Silangan Mindanao Mining Corp na bahagi ng Philex Mining Corp ni Manuel Pangilinan. Ayon sa mga residente rito, regular na ang pagbaha sa kanilang mga sakahan dahil sa pagtaas ng tubig sa mga ilog na ginagawang tambakan ng basura ng mga minahan. May mga kumpanya rin dito na nag-oopereyt kahit paso na ang kani-kanilang mga permit.
Ang Surigao del Sur, na bahagi ng rehiyong Caraga, ang pinakatadtad ng mga operasyon ng mina at nakatalang isa sa pinakamahirap na rehiyon sa buong bansa.
Ayon kay Rep. Eufemia Culliat, ang 26-taong pag-iral ng Philippine Mining Act ay walang idinulot na ginhawa sa mamamayan. Sa halip, nagbunsod pa ito ng pagkawasak ng mga sakahan, dislokasyon ng mga Lumad at maliliit na magsasaka at pinsala sa mga pangisdaan.