(EARTHDAY PHILIPPINES 2021) Mapanirang Build, Build, Build: Bakawan at kagubatan sa Surigao del Sur, sinira ng mga proyektong daan
Balita sa isang lokal na pahayagan noong Abril 22 ang mariing pagkundena ng mga residente at simbahan sa walang pakundangang pagkasira ng mga bakawan at kagubatan sa Surigao del Sur. Tatlumpung ektarya ng mangrove forest (bakawan) ang nasira sa konstruksyon ng 2.79-kilometrong daan na sinimulan noong 2018 at nakatakdang matatapos sa katapusan ng 2022. Libu-libong ektaryang gubat pa ang sisirain sa 18-kilometrong daan mula bayan ng San Pedro tungong Marihatag na dadaan sa mga bahagi ng protektadong kagubatan. Direktang hawak ng pambansang upisina ng Deparment of Public Works and Highways ang parehong proyekto sa ilalim ng progarmang Build, Build, Build nito.
Ipinagmayabang ni Mark Villar, kalihim ng Deparment of Public Works and Highways na magiging “malaking tulong” ang mga proyektong daan sa ekonomya at turismo sa lugar. Pero ayon sa mga mangingisda sa Lianga, liban sa bakawan, sinira rin ng coastal road ang mga halamang dagat at kalahati ng itlugan ng mga shellfish sa baybay malapit sa ilog ng Sabang. Apektado nito ang kabuhayan ng mga komunidad ng mangingisda na nakaasa sa yamang dagat na ito. Hindi lamang hindi nakatulog, hinarangan pa daan ang pagpalaot ng mga mangingisda sa dagat.
Noon pang Disyembre 2018 napagpaabot ng pagtutol ang 1,600 parokyano, kasama ang Diocese ng Tandag, laban sa konstruksyon ng daan pero hindi ito pinansin ng Department of Environment and Natural Resources. Tulad ng ibang proyektong Build, Build, Build, wala itong isinagawang konsultasyon sa lokal na gubyerno at wala rin itong environmental clearance certificate.
Tinawag ng isang marine biologist mula sa Surigao del Sur State University na isang “disaster” o sakuna ang coastal road. Aniya, winasak ng proyekto ang marine ecosystem ng Lianga Bay dahil itinambak ng kontratista ang materyal na limestone na ginamit sa paglatag ng daan sa mga bahagi ng Sabang na makapal ang seagrass. Ang seagrass na ito ang nagbibigay buhay sa mayamang ecosystem sa Lianga Bay at dahilan kung bakit madaling makapangisda ang mga residente kahit malapit lamang sila sa baybay. Kabilang sa binubuhay ng makapal na seagrass ang danggit, blue crabs at iba-ibang klaseng shellfish na dahilan kung bakit tinagurian ang Lianga Bay bilang “seafood town” ng Surigao.
Pinatay din ng daan ang ang mga puno na inihiwalay sa dagat na tinatayang may isang daang taon nang nabubuhay.