“Engkwentro” kung saan napatay diumano ang 2 titser ng mga Lumad at 3 pa, pinasinungalingan
Pinasinungalinan ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang pahayag ng 10th ID na nagka-engkwentro kahapon sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Andap, New Bataan, Davao de Oro, kung saan diumano’y napatay diumano ng isang yunit ng militar ang mga titser sa paaralang Lumad na sina Chad Booc at Gelejurain Ngujo II at tatlong iba pa.
Ayon kay Valbuena, walang gayong engkwentrong naganap, batay sa ulat na natanggap ng PKP mula sa NPA sa lugar. “Ang sinasabi ng AFP na “engkwentro” ay isang tahasang kasinungalingan,” aniya.
Inianunsyo ngayong araw, Pebrero 25, ng AFP ang pagkamatay ni Booc at apat pa sa serye ng mga post sa Facebook at Twitter. Sina Booc at Ngunho ay pawang mga boluntir na guro ng mga paaralang Lumad sa Mindanao. Kabilang rin sila sa mga lumahok sa paaralang bakwit na inilunsad sa Metro Manila at Cebu para igiit ang karapatan ng mga kabataang lumad sa edukasyon at pagwawakas sa militarisasyon sa kanilang lupang ninuno.
Noong 2020, inaresto si Booc kasama ang isang boluntir na guro, tatlong estudyante at dalawang datu habang pansamantalang nakatigil sa kampus ng University of San Carlos sa Cebu. Ibinasura ng korte ang isinampang kaso sa kanila. Isa si Booc sa mga petisyuner laban sa Anti-Terrororism Law. Tulad ng mga nagtatanggol sa karapatan ng mga Lumad at mga aktibista, makailang-ulit na nakaranas sina Booc at Ngunho ng red-tagging, panggigipit at pananakot mula sa estado.
Ayon kay Valbuena, hindi ito unang pagkakataong na ginamit ng mga sundalo ang pekeng engkwentro para pagtakpan ang kanilang mga krimen. “Makailang-ulit nang ginamit ng mga militar para pagtakpan ang walang-pakundangang pagpaslang sa mga sibilyan at mga hindi armado.”
“Hinihikayat namin ang pamilya at mga kaibigan ng mga biktima na alamin ang katotohanan sa kanilang pagkamatay at manawagan ng hustisya para sa pagpaslang sa kanila,” ayon kay Valbuena.
Hindi iilan ang mga insidente laban sa mga progresibo, aktibista at rebolusyonaryo na dinukot at dinala sa ibang lugar bago paslangin at palabasing napatay sa “engkwentro.”