Facebook/Meta, ipokrito sa pag-censor sa BHB—PKP
Ipokrito ang kumpanyang Meta ni Mark Zuckerberg, sa pagtatanggal nito kamakailan sa Facebook sa di bababa sa 30 akawnt na daluyan ng mga balita at impormasyon mula sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ngalan ng pagtanggal ng “harmful content” o nakasasamang nilalaman.
Ito ang naging reaksyon ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa anunsyo ng higanteng kumpanya na “natukoy at tinanggal” nito ang isang network na “lumabag sa aming mga patakaran laban ang mga “peligrosong organisasyon.” Kabilang sa isinara ng Facebook ang mga pahina, grupo (pati ang mga pribadong grupo at chat groups) at akawnts ng iba’t ibang kumand at larangan ng BHB. May ulat na may ilang akawnt ng mga sibilyan sa mga erya kung saan malakas ang presensya ng BHB ay isinara rin ng dambuhalang kumpanya.
Tinawag ni Valbuena na ipokrito ang Meta dahil kamakailan lamang, pinayagan nito sa Facebook ang presensya at pag-“like” ng mga pahina, pag-“share” at pagbigay ng papuri sa Azov Battalion, isang neo-Nazi at ultra-Kanang grupo na nakapaloob sa armadong hukbo ng Ukraine. Ang armadong grupong ito ay responsable sa malalalang paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon ng Donbass sa Ukraine mula pa 2014. Una nang isinuspinde ng Facebook ang mga akawnt nito noong 2015.
Sa listahan ng Facebook ng mga “peligrosong organisasyon,” arbitraryo nitong isinama ang BHB sa mga katulad ng Azov Battalion, ISIS at Ku Klux Klan, at pinatawan ng pinakamahihigpit na restriksyon (tinawag nitong Tier One). Liban sa bawal ang presensya ng mga ito, bawal ding purihin o pagpahayag ng suporta ang sinumang gumagamit ng Facebook, kahit sa mga aktibidad nitong “hindi marahas” (na alinsunod din sa arbitraryong depinisyon ng Facebook.) Sa Pilipinas, dalawa ang nakalista sa DOI — ang BHB at si Prof. Jose Ma. Sison.
Arbitraryo at labag sa karapatan ng mamamayan para sa pamamahayag ang ginagawa ng Facebook, ayon pa kay Valbuena. “Pinagbawalan nito ang BHB pero hinayaan naman nito ang NTF-Elcac, mga yunit at lambat ng mga trolls ng AFP na mangred-tag at magkalat ng pagkamuhi laban sa demokratikong mga pwersa,” aniya. Isinasara ng Facebook ang larangan para makapagpahayag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas ng kanilang upinyon. “Ipinagbabawal kahit ang pag-share ng link sa website ng PKP.”
Noong nakaraang taon, isinapubliko ng The Intercept, grupo ng mga independyenteng mamamahayag, ang listahan ng Dangerous Organizations and Individuals o DOI na naging batayan ng mga pagbabawal. Nakabalangkas ang listahang ito sa paso na at arbitraryong “gera kontra-terorismo” ng US. Tinatayang sinimulan ng Facebook ang listahang ito noon pang 2012, alinsunod sa paggigiiit ng US na “ilimita” ang rekrutment ng mga “teroristang organisasyon” sa Facebook. Sa ngayon, umaabot na sa 4,000 mga organisasyon at grupo na nakapaloob dito, kabilang ang maraming pulitiko, manunulat, mga organisasyong makatao, ospital, daan-daang musikero at maging mga kilalang personahe na matagal nang patay.
Ayon sa mga mamamahayag at eksperto, tagibang ang DOI laban sa partikular na mga grupo. Mayorya sa mga nakalista (80%) bilang “terorista” ay mula sa Middle East at Asia. Ang mga “hate group” naman ay mula sa mga marginalized na sektor tulad ng mga Itim at Hispaniko. Maliit na bilang lamang (250) ang nakalistang mga ultra-Kanan at neo-Nazi (na kadalasan ay puti) na grupo at indibidwal.