Gamot laban sa Alzheimer, pinaunlad sa Cuba

,

Inianunsyo ng Cuba noong Hulyo 20 na papasok na sa Phase III ng clinical trial ang gamot na NeuroEPO (komersyal na pangalan: NeuralCIM), ang gamot na pinaunlad sa Cuba laban sa sakit na Alzheimer’s. Sisimulan ang trial sa Setyembre o Oktubre sa mga pasyenteng dumaranas ng mild o moderate (hindi malalang sintomas) na Alzheimer.

Ayon sa resulta sa naunang mga trial, higit na positibo ang epekto ng gamot sa cognition (pagkilala) at paggalaw ng mga pasyente. Ang Alzheimer ay isang neurodegenerative na sakit na sanhi ng hanggang 70% ng mga kaso ng demensya o pagiging malilimutin. Madalas itong sakit habang tumatanda ang isang tao.

Isasagawa ang mga pagsusubok sa gitna ng mahihigpit na sangsyon ng US laban sa Cuba, na sumasaklaw sa mga gamot at produktong medikal. Sa kabilang banda, handa ang Cuba na ibahagi sa anumang bansa ang teknolohiya sa pagmanupaktura ng gamot para sa kapakinabangan ng lahat.

Ang gamot na Neuro EPO ay nabibilang sa mga pag-abanteng medikal ng Cuba kaugnay sa paggamot sa mga sakit na Parkinson, dementia, epilepsy, ataxia at dystonia.

Isinasagawa ang pananaliksik at pagpapaunlad ng mga gamot sa International Center for Neurological Restoration o CIREN, ang espesyalisadong institusyon ng bansa na nagsasagawa rin ng mga pananaliksik sa utak.

Sa nakaraang mga taon, matagumpay rin ang Cuba sa pagsagawa ng neurotransplantation, isang operasyon na gumagamot sa mga pasyenteng may Parkinsons. Ilan pa sa matitingkad na nakamit ng Cuba sa larangan ng medisina ang gamot laban sa AIDS, bakuna laban sa lung cancer at laban sa Covid-19.

Sa Pilipinas, mahigit 2,000 katao o tatlo sa bawat 100,000 ang namatay dulot ng Alzheimers at Parkinsons noong 2020.

AB: Gamot laban sa Alzheimer, pinaunlad sa Cuba