Grupong internasyunal, dismayado sa suspensyon ng imbestigasyon ng ICC kay Duterte

,

“Labis na nadismaya.” Ito ang reaksyon ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na pansamantalang isuspinde ang imbestigasyon nito sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte.

Ang pansamantalang pag-atras ay bunga ng inihapag na kahilingan ng gubyerno ng Pilipinas noong Nobyembre 10 sa ICC. Idinaan ang hiling sa ambasador ng Pilipinas sa The Netherlang na si Eduardo Malaya. Ayon kay Malaya, “nagsimula na” na imbestigasyon ng sariling mga ahensya ng gubyerno ng Pilipinas sa 52 kaso ng mga pamamaslang, kaya wala nang dahilan na ipagpatuloy ng ICC ang imbestigasyon. Ayon sa ICC, “tatasahin” muna nito ang saklaw at epekto ng rekwes bago ituloy ang imbestigasyon.

Pero ayon sa ICHRP, ang suspensyon ay “nagagantimpala kay Duterte at dagdag na bumibiktima sa mga nagbigay ng ebidensya sa ICC.” Dapat ituloy ang imbestigasyon nang walang pagkaantala, ayon sa grupo.

Ayon sa tagapangulo nito na si Peter Murphy, “anumang suspensyon o pagkaantala ay absolutong pagkakanulo sa matatapang na mga indibidwal na nagpakilala sa kabila ng malaking personal na risgo para magbigay ng ebidensya at testimonya kaugnay sa sinasabing mga krimen.”

Isang kaso pa lamang ang may inabot na hatol (ang kaso sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian de los Santos) sa 6,011 kasong naiulat hanggang sa katapusan ng 2020.

Nanawagan ang ICHRP na kagyat na muling buksan ang imbestigasyon nito sa lahat ng mga ebidensya na hawak na ng korte.

“Buo ang tiwala ng ICHRP sa pantay na pagturing ng ICC,” ayon kay Murphy. “Inuulit namin na dapat dinggin ng ICC ang panawagan ng mga pamilya na imbestigahan ng lubusan ang administrasyong Duterte sa mga krimen nito sa sangkatauhan para makamit ang hustisya at matigil ang kawalang-pakundangan.”

AB: Grupong internasyunal, dismayado sa suspensyon ng imbestigasyon ng ICC kay Duterte