Hawak ng 1% ang 40% yaman ng Pilipinas
Hawak ng 1% ng populasyon sa Pilipinas ang 40% kabuuang yaman ng bansa. Ito ang naging resulta ng pananaliksik ng Ibon Foundation kaugnay sa malawak na di pagkakapantay-pantay sa lipunang Pilipino. Sa bilang na ito, 2,919 ay mga bilyunaryo na may pinagsamang yaman na ₱8 trilyon. Ang 50 pinakamayayamang bilyunaryo ay may yamang ₱10 bilyon hanggang ₱811 bilyon kada isa.
Labimpito sa mga bilyunaryong ito ay nabibilang sa listahan ng mga bilyunaryo sa buong mundo ng Forbes Magazine (mga bilyunaryo sa halagang dolyar.) Ang mga ito ay may pinagsamang halagang $4.6 bilyon o ₱2.2 trilyon. Sa ulat ng Forbes, lumaki ang yaman ng mga bilyunaryong ito noong 2020 sa panahon ng pandemya. Kabilang sa kainila si Lucio Tan, na nagkamal ng dagdag na ₱22 bilyon sa kabila ng pagdedeklara ng “pagkabangkarote” ng kumpanya niyang Philippine Airlines at pagsisante ng mga manggagawa dahil diumano dito. Sa kasagsagan ng pandemya mula Marso hanggang Setyembre noong 2020, lumaki pa nang 41% ang yaman ng 13 sa mga bilyunaryong Pilipino.
Lumalalang di pagkakapantay-pantay
Ayon sa pananaliksik ng Ibon, lumago ang ekonomya ng Pilipinas nang 179% mula 2006 hanggang 2019. Sa panahong ito, lumaki nang 364% ang yaman ng 40 pinakamayayamang Pilipino. Mula 12.6%, lumaki tungong 20.9% ang bahagi ng pinagsama nilang yaman sa gross domestic product.
Nitong 2021, hindi lamang nila nabawi ang nabawas sa kanilang yaman sa unang bahagi ng pandemya, napalaki pa nila ito nang 28%.
Sa kabilang banda, lumaki lamang ng 133% ang yaman ng 70% na pinakamahihirap na Pilipino sa nakaraang 15 taon. Sa panahong ito, tumaas lamang ang kanilang tunay na kita nang 53%. Pinakamataas na ang ₱528,000 na halaga ng mayorya o 80% ng mga Pilipino. Mahigit kalahati sa mayoryang ito ay kumikita ng mas mababa pa sa panahong ito.
Kung hihimay-himayin ang 2018 datos ng estado, makikita ang buwanang kita ng sumusunod:
• 0.6% o 143,000 pamilya ang kita ng ₱219,000 hanggang ₱10 milyon pataas
• 1.5% o 358,000 pamilya ang kumikita ng ₱131,000 hanggang ₱219,000
at
• 18.2% o 4.3 milyong pamilya ang kumikita ng ₱44,000 hanggang ₱131,000.
Sa kabilang banda, ang
• 32.1% o 7.6 milyong pamilya ang kumikita ng ₱22,000 hanggang ₱44,000
• 35.4% o 8.4 milyong pamilya ang kumikita ng ₱11,000 hanggang ₱22.000
at
• 12.2% o 2.9 milyong pamilya ang kumikita ng ₱11,000 pababa.
Kabilang sa pinakamayayaman sa bansa ang mga burgesya kumprador na pinaboran ni Rodrigo Duterte at ilandaang beses na lumaki ang yaman sa ilalim ng kanyang rehimen. Ang mga ito ay sina Manuel Villar na yumaman nang 283% mula 2016 hanggang 2021, Enrique Razon Jr na nagtala ng 70.5% paglawak ng yaman sa parehong panahon at Ramon Ang (97.2%). Samantala, lumaki nang 224.6% ang yaman ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy sa panahong 2019-2021.
Sa kalkulasyon ng Ibon, kung bubuwisan kahit ang 50 lamang sa pinakamalalaking bilyunaryo sa bansa, makalilikom na ang gubyerno ng Pilipinas ng hanggang ₱237 bilyon kada taon. Maari itong gamitin bilang ayuda sa panahon ng pandemya, pampasikad para sa paglikha ng bagong mga trabaho at panustos sa iba pang serbisyong sosyal.