#HLM17: Patuloy na panawagan para sa hustisya

,

Nananatiling mailap ang hustisya para sa mga biktima ng masaker ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Hanggang ngayon ay wala pang naparurusahan sa mga armadong sundalo at maton na walang habas na nagpaputok at mga upisyal na nag-utos sa kanila. Walang pa ring sariling lupa ang mga magsasaka ng asyenda.

Naglunsad ng isang kilos protesta ang mga magsasaka sa pangunguna ng Alyansa ng mg Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) kahapon ng umaga sa tapat ng lokal na upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Tarlac para gunitain ang masaker. Dumalo sa pagkilos ang mga kasapi ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Anakpawis Partylist.

Iginiit nila ang pamamahagi ng mga lupaing-TADECO o Tarlac Development Corporation na saklaw ng Hacienda Luisita. Saklaw ito ng Notice of Coverage ng DAR na inilabas noon pang 2013. Ang nasabing lupa ay ilang taong ipinaglaban, dugo at pawis, ng mga myembro ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA).

Kinundena rin ng mga kasapi ng AMBALA at residente ng mga barangay ng Hacienda Luisita ang umiigting na militarisasyon at presensya ng militar sa lugar, kabilang na ang sapilitang pagpapasuko, panggigipit at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

AB: #HLM17: Patuloy na panawagan para sa hustisya