Hustisya para sa pinaslang na duktor sa CDO, ipinanawagan
Si Dr. Andutan ay prominenteng urologist (duktor na gumagamot sa mga sakit sa pag-ihi) na nakabase sa Cagayan de Oro City. Siya rin ang medical director ng Maria Reyna Xavier University Hospital, isang pribadong ospital na pinatatakbo ng Xavier University sa syudad.
Pinaslang siya ng mga armadong kalalakihan noong Disyembre 2 sa Barangay Nazareth, Cagayan de oro City habang bumabyahe at idineklarang patay nang dalhin sa ospital. Kaagad na nahuli ang sinasabing mga bumaril pero nakatakas ang kanilang “handler” na kinilalang isang “dating sundalo.”
“Sa panahon ng krisis sa pampublikong kalusugan na dulot ng pandemyang Covid-19, kung saan namamatay ang mga frontliner habang nasa serbisyo, ang lantarang pagpaslang sa mga manggagawang pangkalusugan ay higit na kasuklam-suklam,” saad ng CHD sa isang pahayag.
Matatadaan noong 2020, pinaslang ng pinaghihinalaang ahente ng estado ang community health worker na si Zara Alvarez, ang lokal na IATF head/community physician na si Dr. Mary Rose Sancelan sa isla ng Negros at Dr. Lourdes Tangco sa Baguio City. Sina Alvarez at Sancelan ay biktima ng pang-rered-tag ng rehimeng Duterte bago sila pinaslang. Si Dr. Tangco ay walang awang pinatay habang binibisita ang kanyang pasyente na si Julius Giron.
Militar ang nasa likod?
Sa isang komento ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Partido Komunista ng Pilipinas, sinabi niyang malakas ang mga hinala na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa likod ng pagpaslang kay Dr. Andutan para maghatid ng “chilling effect” o takot sa mga duktor at manggagawa sa kalusugan sa Cagayan de Oro City.
“Matatandaan ilang linggo ang nakararaan, idineklara ni Gen. Brawner, kumander ng 4th ID, na mayroong ‘network’ ng mga doktor at nars si Ka Oris sa naturang syudad,” ayon pa kay Valbuena. “Kabilang kaya sa pinagsuspetsahan niya si Dr. Andutan?”
Binanggit pa ni Valbuena na hindi na ito kabigla-bigla dahil tinatarget ng NTF-Elcac, AFP at armadong mga galamay nito ang mga sibilyang pinagsusupetsahang “tumutulong” sa mga rebolusyonaryo sa imbing mithiin na durugin ang rebolusyonaryong kilusan.
Nagpahayag din ng pakikiramay at pakikidalamhati si Valbuena sa naiwang pamilya at mga katrabaho ni Dr. Andutan.