IBOBOTO MO BA?

Robredo at Trillianes, natira sa listahan ng mga nominado ng 1Sambayan

Inilabas noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, ng 1Sambayan ang listahan ng ieendorso nilang mga kandidato sa pusisyon ng presidente at bise-presidente sa halalang 2022. Ang mga ito ay sina Vice-President Leni Robredo, Sen. Grace Poe, dating senador Antonio Trillanes, abugadong si Chel Diokno, kongresistang si VIlma Santos-Recto at lider relihiyosong si Bro. Eddie Villanueva.

Ayon sa mga coordinator ng 1Sambayanan, liban sa “winnability” (kakayahang manalo), tiningnan ng koalisyon ang karakter, kasanayan at track rekord sa pagpili ng mga nominado. Mula sa listahang ito, inaasahan ng 1Sambayan na pipili ang publiko kung sino sa kanila ang makapaghahatid ng kinakailangang pagbabago. Ayon sa grupo, nagkaisa ang mga nabanggit sa listahan na susuportahan nila kung sinuman ang mapipili sa kalaunan. (Ibig sabihin, hindi sila tatakbo kontra sa mga ito.)

Sa anim, apat (Poe, Diokno, Santos at Villanueva) ang “nag-decline” o umatras sa nominasyon sa iba’t ibang kadahilanan. Sa gayon, ang natira ay sina Robredo at Trillianes. Una nang nagpahayag ng kahandaan si Trillanes na tumakbo sa pinakamataas na pusisyon ng bansa, sakaling umatras si Robredo. Bagamat “undecided” o wala pang desisyon si Robredo, suportado niya ang panawagan ng 1Sambayan na dapat isa lamang ang kandidato ng oposisyon. Si Robredo ang tumatayong presidente ng Liberal Party

Labas sa anim, ikinonsidera ng 1Sambayan na isama sa listahan ng mga nominado sina Sen. Nancy Binay at Manila Mayor Isko Moreno. Tumanggi ang dalawa na pumailalim sa mga kaisahan ng 1Sambayan. Ibig sabihin, may posibilidad na interesado silang tumakbo nang independyente o may pag-endorso ng ibang partido o ng mismong kampo ni Duterte.(Sa isang press conference ng Malacanang noong nakaraang buwan, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque na isa sa mga “opsyon” ng pangkating Duterte si Moreno.)

Samantala, todo-todo na ang gitgitan ng mga pulitiko sa loob ng pangkating Duterte na nagbubunga ng maraming kumbinasyon at tambalan.

Lantad ang bitak sa loob ng PDP-Laban, ang partido ni Rodrigo Duterte. Sa isang panig, itinutulak ng paksyon na pinamumunuan ni Energy Sec. Alfonso Cusi ang kandidatura ni Duterte pagkabise-presidente na nagbukas sa posibilidad ng tambalan niya at ng kanyang anak na si Sara. Sa kabilang panig, hindi tinatanggap ng kabilang paksyon ng partido, na kinalalagyan ng mga senador Koko Pimentel at Manny Pacquiao, ang animo’y pag-endorso kay Sara Duterte bilang kandidato ng partido. Ani Pimentel, magpapatakbo ng sariling kandidato at hindi nito kailangang kumuha ng labas sa partido. (May sariling partido ang nakababatang Duterrte.) Liban dito, hindi sikreto ang kagustuhan ni Pacquiao, ang tumatayong presidente ng partido, na tumakbo pagkapresidente sa 2022. Lumutang din ang pangalan ng alalay ni Duterte na si Bong Go, isa pang kapartido, na nagsabing “karangalan” niyang tumakbo kung iuutos sa kanya ito ng kanyang amo.

Labas sa PDP-Laban, lantaran ang panliligaw ng mga Marcos at ng kampo ni Gloria Arroyo (sa pamamagitan ng mga kinatawan ng Albay na sina Rolando Andaya at Joey Salceda) para tumambal sa kandidatura ni Sara Duterte pagkapresidente. Itinutulak ng kampo ni Arroyo ang tambalang Duterte-Teodoro sa 2022. Dati nang ambisyon ng mga Marcos na makabalik sa Malacanang.

Pinaugong na rin mismo nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Tito Sotto ang kanilang napipintong tambalan para sa 2022. Lumutang ang kanilang pangalan, kasama ng mga senador na sina Grace Poe at Lito Lapid bilang namumuong bloke loob ng Senado. (Bagamat di mga kapartido ni Duterte, kilala ang apat bilang mga tagasuporta ng mga patakaran ni rehimen sa senado.) Sinasabing suportado ang blokeng ito ng mga dating senador Juan Ponce Enrile at Loren Legarda at ng kasalukuyang Information and Communication Technology Sec. Gregorio Honasan. Bagaman sinabi ni Lacson na hindi pa siya nagdedesisyong tumakbo pagkapangulo, tiyak na susuportahan niya ang kandidatura ni Sotto kung tatakbo ang huli pagkabise-presidente.

AB: IBOBOTO MO BA?