Ika-15 taong pagkawala ni Jonas Burgos, ginunita
Ginunita kahapon ang ika-15 taong anibersaryo ng pagkawala ni Jonas Burgos, isang organisador at aktibista, na dinukot ng mga tauhang militar sa Quezon City noong Abril 28, 2007. Pinangunahan ng mga kaanak ni Burgos at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang pag-alala sa kaso. Patuloy ang kanilang paghahanap kay Jonas at panawagan nila para sa hustisya.
Ang pagdukot kay Burgos ay isa sa mga tampok na kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng pasistang rehimeng Arroyo.
Dinukot si Jonas ng mga ahente ng 7th Infatry Division ng Armed Forces of the Philippines. Noong 2013 ay inatasan na ng Korte Suprema ang armadong pwersa na ilitaw ito.
Naglabas kahapon ng isang bukas na liham ang ina ni Jonas Burgos na si Edita Burgos kaugnay ng anibersaryo.
“Ginugunita natin ang ika-15 anibersaryo ng pagdukot sa kanya nang may parehong tatag at determinasyon,” saad sa liham. “Bagaman may kalungkutan… tinatanaw natin ang paggunita ngayong taon sa konteksto ng sosyo-pulitikal na sitwasyon sa ating bansa at nagsusumikap na magbukas ng bagong mga pintuan,” na pumapatungkol sa darating na eleksyon.
“Ang perspektibang ito ay nagbigay sa amin ng pag-asa,” dagdag pa ni Edita Burgos sa kanyang liham na tuwirang tumutukoy kay Vice President Leni Robredo.
“Pag-asang malaman ang katotohanan, pag-sang makamtan ang hustisya, at pag-asang makapagpapatuloy kami sa tungkulin para sa hustisya at kapayapaan…,” dagdag ng liham. “Dinadalangin naming dumating ang pag-asang ito,” ayon pa dito.
Si Burgos ay anak ni Jose Burgos, isang kilalang peryodista na aktibo sa pakikipaglaban para sa karapatan sa pamamahayag sa panahon ng diktadurang Marcos.