Ilan sangsyon laban sa Venezuela at Cuba, binawi ng US
Kinumpirma ni Vice President Delcy Rodriguez ng Venezuela noong Martes (Mayo 17) na bahagyang pinaluwag ng US ang mga sangsyon o paghihigpit na ipinataw nito sa bansa para bigyan-daan ang muling pag-eksport nito ng langis sa Europe at sa US. Layunin nitong ibsan ang kakulangan ng langis sa Europe at US na bunga ng pagpataw ng US ng sangsyon laban sa pag-aangkat ng langis mula sa Russia.
“Bineberipika at kinukumpirma ng Bolivarian Government ng Venezuela ang balita na kunwa’y inawtorisa ng US ang mga kumpanya sa langis sa Europe at Amerikano na makipagnegosasyon at muling magsimula ng mga operasyon sa Venezuela,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang Twitter account.
Kabilang sa mga pinahintulutan ang pagpapatuloy ng kumpanyang Chevron ng mga operasyon nito sa Venezuela katuwang ang pampublikong kumpanya sa langis na PDVSA. Papayagan din nito ang kumpanyang Italian na Eni SpA at kumpanyang Spanish Repsol SA na ilihis ang mga shipment ng langis na nakalaan sa China tungo sa Europe.
Kasabay nito, tinanggal ni Biden ang mga sangsyon laban sa mga upisyal ng Venezuela, kabilang ang mga upisyal ng PDVSA, na noo’y inakusahan ng US ng malawakang korapsyon.
Ipinataw noong 2017 ng noo’y presidente ng US na si Donald Trump ang sangsyon laban sa PDVSA at mga upisyal nito at ipinagbawal ang pakikipag-ugnayan ng mga kumpanyang US at Europe sa kumpanya.
Pinalalabas ng US na ang pagbawi ng mga sangsyon ay resulta ng panawagan ng “lider-opposisyon” na si Juan Guiado, ang pulitikong ipinagpipilitan ng US bilang “tunay na presidente” ng Venezuela kahit wala itong hinahawakang pusisyon at di halal sa bansa.
“Alam ng mundo na nagawa ng Venezuela ang unang mga hakbang sa landas ng pagbangon ang ekonomya ng Venezuela bunga ng sarili nitong mga pagsisikap, at sa pamamagitan ng pagkundena at pag-igpaw (overcome) sa di lehitimong mga sangsyon at di makataong pagboblokeyo,” bwelta ni Rodriguez sa mga ulat na ang pagtatanggal ng sangsyon ay “hiningi” ni Guaido. “Sana’y ituloy ito (ng US) sa pagtatanggal ng lahat ng mga iligal na sangsyon na pumipinsala sa aming mamamayan.”
Isang araw bago nito, binawi rin ni Biden ang ilang sangsyon na ipinataw ni Trump kaugnay sa pagpapadala ng pera, pagbyahe at migrasyon ng mga Cubano. Kabilang sa mga ito ang pagtanggal sa limit na $1,000 kada kwarto na maaaring ipadala ng mga Cuban na nasa US sa kanilang mga kaanak sa isla at pagpapahintulot sa direktang pamumuhunan ng US sa kauna-unahang pagkakataon mula 1960.
Muli ring sisimulan ng US ang programa ng reunipikasyon ng mga pamilya sa US at pagbyahe ng mga Amerikano sa Cuba para sa layuning pang-edukasyon. Sinuspinde ni Trump ang dalawang programa noong 2017 at 2019.
Gayunpaman, pinirmahan ni Biden noong nakaraang taon ang kautusan para palawigin ng isa pang taon ang Trading with the Enemy Act na salalayan ng mayorya ng blokeyo sa ekonomya, komersyo at pinansya laban sa Cuba. Binalewala niya ang taun-taong resolusyon sa United Nations para sa pagbabaklas ng lahat ng mga sangsyong tinawag na “patakaran sa henosidyo” laluna sa panahon ng pandemya.
Sa ulat ng Cuba sa UN, umaabot na sa $147.853 trilyon ang halaga ng pinsala na idinulot ng blokeyo sa mamamayan at ekonomya ng Cuba mula nang ipataw ito. Sa kasagsagan ng pandemya (Abril-Disyembre 2020), umabot ang halaga ng pinsala sa $3.586 trilyon dulot ng “oportunistang” mga sangsyon na idinagdag ni Trump na nakadisenyo para paluhurin ang mamamayang Cuban sa pamamagitan ng “gutom, sakit at hirap.”