Iligal na extradition ng US sa diplomat ng Venezuela, kinundena ng NDFP
Mahigpit na binatikos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagdukot at iligal na pagkukulong sa diplomat ng Venezuela na si Alex Nain Saab Moran. Nakadetine si Moran sa isang maliit na bansa sa kanlurang bahagi ng Africa nang dukutin ng mga tauhan ng US, sapilitang dinala sa US at iligal na ikinulong sa Miami, Florida.
Si Moran ay diplomatikong upisyal ng gubyerno ng Venezuela para sa Russian Federaton at Islamic Republic of Iran simula Abril 2018, at nagsisilbing Ambassador Plenipotentiary Alternate o pangkalahatang ambasador ng kanyang bansa para sa African Union.
Bago siya dinukot at dinala sa US, iligal na inaresto si Moran sa bansang Cabo Verde (grupo ng mga islang nasa kanluran ng kontinente ng Africa) noong Hunyo 12, 2020. Papunta siya noon sa Iran mula Venezuela nang napilitan ang kanyang sinasakyang pribadong eroplano na lumapag sa naturang bansa para magpagasolina. Sa presyur ng US, hindi na siya pinayagang umalis. Ikinulong siya doon mula noon. Sa presyur din ng US, tumanggi ang dalawa pang bansa sa Africa na tanggapin ang kanyang eroplano noong panahong iyon.
Ayon sa NDFP, walang malinaw na batayang ligal ang detensyon ni Moran sa Cabo Verde. Isa siyang upisyal na ang layunin ay mangalap ng suportang humanitarian para sa mamamayan ng Venezuela. Papunta siya sa Iran noon para makipagnegosasyon ukol sa pakikipagpalitan ng ginto ng Venezuela kapalit ng kinakailangan nitong suplay ng langis. Plano rin nitong makipagkasundo para sa pagbili ng kailangang-kailangan na pagkain, mga gamot at iba pang kritikal na suplay na mahirap makuha sa Venezuela dahil sa mga sangsyon o panggigipit ng US sa bansa.
Habang nasa Cabo Verde, nakaranas si Moran ng pisikal at pisyolohikal na tortyur mula sa mga upisyal ng gubyernong Trump at mga kasabwat nito sa Cabo Verde. Binantayan siya buong araw nang hindi bababa sa 50 tauhang militar. Si Moran ay mayroong kanser at matagal nang nangangailangan ng medikal na pagkalinga.
Noong Hunyo, naglabas ng desisyon ang United Nations Human Rights Committee ng paunang mga hakbang na nagsasaad na i-delay ang kanyang ekstradisyon para mabigyan ng karampatang atensyong medikal.
Binalewala ng US ang rekomendasyon at sapilitang kinuha si Moran noong Oktubre 16 ng mga upisyal ng US, kahit pa walang atas ng ekstradisyon para sa kanya at dinala sa Miami, Florida.
“Pinapanagot ko ang gubyernong US at ang ekstremistang gubyerno ng Narnia sa aking integridad at buhay, sa loob ng kulungan kung saan nila ako dadalhin,” pahayag ni Moran sa isang sulat na naisapubliko bago siya dalhin sa Florida.